Abante Tonite
Mabilis sa Balita

FPJ ‘di malilimutan ng mga tagahanga

0 290

May mga tao na paulit-ulit na pinapanood ang isang pelikula sa telebisyon, online o sa iba pang medium. Kahit 10 beses nang napanood, hindi palalampasin na ulitin ang pelikula lalo na kung may panahon.

Ngayong pandemic kung saan marami pa rin ang tambay sa bahay, asahan na may nakatutok sa Netflix, Youtube at iba pa. Pero yung mga kapos sa budget, nagkakasya na lamang sa panonood ng telebisyon.

Nitong Linggo lamang, pinalabas sa Kapamilya Channel ang pelikulang “Umpisahan Mo, Tatapusin Ko” na pinagbibidahan ng yumaong action king at National Artist na si Fernando Poe Jr. Taong 1983 pa ito unang pinilahan ng mga Pinoy pero hanggang ngayon patok pa rin sa manonood ang lumang pelikula ni FPJ.

Indikasyon ito na marami pa rin ang nagmamahal sa tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino kahit matagal na itong namayapa. Salamat sa nasabing network sa pagbibigay ng importansiya sa legacy ni FPJ.

Sa darating na Disyembre 14, gugunitain ang ika-16 taon ng kanyang kamatayan. Inaasahang libo-libong nagmamahal at tagahanga ni FPJ ang magtutungo sa kanyang puntod sa Manila North Cemetery. Sasariwain nila sa libingan ang alaala ng kanilang idolo.

Marami sa kanila, hindi pa rin makamove on sa pagkamatay ni Da King. Eh paano naman kasi, hindi lang sa pelikula tagapagtanggol ng naaapi si FPJ, pati sa tunay na buhay ay matulungin ito sa mga nangangailangan. Bihira ka nang makakita ngayon ng taong may ganitong katangian.

Kung nabubuhay pa ito, lalo sa panahon ngayon kung saan patok ang social media, malamang na tahimik na namimigay ng ayuda si FPJ sa mga apektado ng pandemya.

Dahil sa kanyang katangian, muntik pang maging presidente ng Pilipinas si FPJ kung hindi ito nadaya noong 2004 presidential elections. Tingin nila sa noon ay nanalong si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, fake president ito dahil ang kanilang idolo ang tinuturing nilang pangulo.

Kaya nang mamatay si FPJ sa stroke ilang buwan matapos itong matalo sa halalan, sinisi ng mga supporter nito si Arroyo. Hindi raw ito sasapitin ng kanilang idolo kung lumabas lang ang tunay na hatol ng sambayanang Pilipino.

Hindi nakapagtataka kung marami sa mga tagahanga ni Da King ang patuloy na sumisigaw ng katarungan. Para sa kanila, hindi pa tapos ang laban.

Leave A Reply

Your email address will not be published.