Abante Tonite Interactive

Franchise renewal ng Dos: Kung anong sabihin ng Pangulo may bigat-Alfred

1,573

Maiksi pero diretso ang sagot ni Quezon City Representative Alfred Vargas nang hingin namin ang stand niya ­hinggil sa pinag-uusapang franchise renewal ng ABS-CBN.

“Siyempre, para sa atin eh marami pa ring trabahong nabibigay ng network, and sana maayos.

“Kasi, ang concern ko, maraming mawawalan ng trabaho. And sana, kung anuman ‘yung problema, sana anuman ang mangyari, eh maayos pa rin in the end dahil ano ‘yan eh, kumbaga, institusyon,” sambit ng 2019 Ten Outstanding Young Men (TOYM) awardee for public service na si ­Congressman Alfred.

Bilang isang kongre­sista ay kasama siya sa mga magdedesisyon tungkol sa prangkisa ng Kapamilya network na nakatakdang mag-expire sa March 2020.
Nararamdaman ba ng mga taga-Kongreso ang pressure doon sa banta ni Pangulong Duterte na gusto raw talaga nitong makitang magsara ang Lopez network?

“Well, siyempre lahat tayo nakikinig sa Pangulo, ‘di ba? And siyempre kung anong sabihin ng Pangulo, merong bigat ‘yon at nirerespeto natin ‘yon.
“Kaya hangad natin na sana, maayos na lang kung anuman ‘yung mga problema. Ma-thresh out kung anuman ‘yung mga hindi pagkakaunawaan,” pakli ni Cong. Alfred.

Masasabi ba niya na kung anuman ang magi­ging desisyon ng ­Ko­ngreso ay base ito sa mga sarili nilang stand sa isyu at hindi ito ­maaepektuhan ng ibang factors?

“Yes, it’s a collective decision always. Alam mo naman ‘yan, botohan ‘yan palagi. So kung anuman, hindi ‘yan desisyon ng nag-iisa lang. Boto ‘yan ng buong Kongreso, bawat miyembro.”

Sa Kapamilya network nagsimula si Alfred bilang miyembro ng Star Circle Batch 10 nu’ng 2001. Ka-batch niya roon sina Bea Alonzo at Dennis Trillo, tapos ay lumipat siya sa Kapuso network at eventually ay naging public servant.

Emosyonal si Alfred nang tanggapin niya ang kanyang prestigious TOYM award niya dahil sana raw ay buhay pa ang mga magulang niya para nasaksihan ng mga ito ang proud moment na ‘yon sa buhay niya.

Kahit abala sa public service ay nagagawa pa rin ng 40-anyos na aktor-­pulitiko na makapagpelikula at least once a year.

May dalawa ­siyang upcoming movies, ang advocacy film na “­Kaputol” with Cherie Gil and Angel Aquino at ang “Tagpuan” kasama sina Iza Calzado at Shaina Magdayao na ­kinunan sa Hong Kong at New York.

Napanood na pala ni Alfred ang 2019 MMFF movie ni Aga Muhlach na “Miracle in Cell No. 7” at nagalingan siya rito kay Aga at sa castmates nito.
After the movie ay nasabi raw ni Alfred na gusto niya ring gumawa ng ganitong klase ng pelikula.