Abante Tonite Interactive

Free Wi-Fi project ng DICT iniipit ng Smart, Globe

By
619

Suko na si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio Jr. sa pag-asang aayusin na ng PLDT/Smart at Globe Telecom ang free Wi-Fi access points sa bansa kaya’t dudulog na siya sa United Nations Development Program para magpasok ng mga dayuhang kompanya at teknolohiya para dito.

Sabi ni Rio, mula Pebrero 2015 hanggang Setyembre 2017, 807 free Wi-Fi access points lang ang naitayo sa bansa dahil hindi ito priority ng mga telecommunication company o telco. Aniya, wala sa mga plano ng telco na lagyan ng free Wi-Fi ang mga lugar na nangangailangan dahil inuuna nila ang paglalagay ng infrastructure kung saan meron silang mga customer na magbabayad.

Noong naging acting secretary na si Rio ng DICT, pinabuksan na niya ang bidding sa maliit na players at internet service providers kaya’t halos dumoble na ang free Wi-Fi site sa 1,592 mula sa 807 nang bago siya umupo sa DICT.

Sabi ni Rio, limitado naman ang maliliit na player dahil umaasa lang sila sa infrastructure ng Globe at PLDT/Smart.

“It is now clear that our local telcos can’t presently cope up with our demand for Free Wi-Fi,” sabi ni Rio. “Our commercial telcos, specially the giants Globe and PLDT/Smart are not geared to providing Wi-Fi hotpots with sufficient bandwidth in public places.”

Kahit na may pambayad naman ang pamahalaan para sa subscription cost ng 50 mbps na bandwidth sa mga state colleges and universities at iba pang lugar, hindi naman makapag-deli­ver ang mga telcos, sabi ni Rio.

Ang PLDT at Smart ay pag-aari ng binatang negosyanteng si Manny V. Pangilinan habang ang Globe Telecom ay hawak ng mga Ayala.