Abante Tonite Interactive

French Open nadidal ni Nadal

By
1,246

Kahit ang nagka-cramps na middle finger, hindi napigil si Rafael Nadal para ituloy ang dominasyon sa French open.

Wala ring nagawa si Dominic Thiem.

Sinikwat ni Nadal ang record na pang-11 niyang titulo sa Roland Garros nang laktawan si No. 7 seed Thiem 6-4, 6-3, 6-2 nitong Linggo.

Sa kaagahan ng third set, napangiwi si Nadal nang manigas ang gitnang daliri sa kanyang kaliwang kamay. Kaliwete ang Spaniard, apektado ang hawak niya sa raketa dahil hindi maituwid ang daliri. Napatawag tuloy siya ng medical timeout.

“Tough moment,” wika ni Nadal pagkatapos. “I was very scared.”

Nagtuloy siya para muling dominahin ang Grand Slam event na inari na niya.

Si Thiem, panonood ng TV pa sa Austria ang pinagkakaabalahan noong 2005 nang ibulsa ni Nadal ang una niyang Grand Slam trophy sa Paris sa edad 19.

Umpisa iyon ng apat na sunod na kampeonato sa French Open hanggang 2008. Nagdagdag pa siya ng lima mula 2010-14, at may dalawang sunod na naman.

“There’s a reason why he won 11 times here,” bulalas ni Thiem, 24 na ngayon at bumiyahe sa una niyang major final. “It’s definitely one of the best things somebody ever achieved in sport.”