Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Fuel subsidy ng mga trike driver sa Maynila napako

0 157

Ilang araw na lamang at matatapos na ang termino ng Duterte administration pero tila may mga maiiwanang pangako na hindi natupad lalo na sa mga mahihirap na sektor ng lipunan.

Bagamat prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kapakanan ng mga mahihirap na Pilipino, tila may mga tauhan at opisyal itong natutulog sa pansitan dahil ang ipinangakong fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon ay hindi pa ganap na naipamigay lahat.

Gaya na lamang ng mga tricycle driver sa Lungsod ng Maynila na hanggang ngayon ay namumuti na ang mata sa kahihintay dahil hindi pa natatanggap ng mga ito ang ipinangakong subsidiya sa produktong petrolyo na ilang buwan na nilang hinihintay.

Ayon kay Jerome, tricycle driver na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) malapit lamang sa Malacanang, apat na buwan na silang naghihintay ng kanyang mga kasamahan sa fuel subsidy pero hindi pa nila natatanggap mula sa pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Naisumite na aniya nila ang mga hiniling dokumento at impormasyon sa kanila para mabigyan ng fuel subsidy subalit ilang buwan na ang nakalipas ay kahit isang patak ng gas ay walang pumasok sa tangke ng kanilang motor at hindi alam kung matatanggap pa ba nila ito o hindi na.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) naipalabas na nila ang pondo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagkakahalaga ng tatlong bilyong piso at marami na ang nakakuha ng unang tranche na mga driver at operators ng public utility vehicles (PUVs).

Sa katunayan ay ibibigay na ng LTFRB amg second tranch ng fuel subsidy sa Hulyo pero ang para sa mga tricycle driver sa Lungsod ng Maynila ay hindi pa natatanggap ng mga kawawang tsuper.

Ayon kay Jerome, malaking bagay na sa kanila kung magkakaroon ng katuparan ang ipinangakong fuel subsidy sa kanilang hanay dahil talagang ramdam nila ang epekto ng halos linggo-linggong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Nakadagdag pa sa kanilang kalbaryo ang hirap sa pagkuha ng mga pasahero dahil kahit halos normal na ang sitwasyon ay matumal ang mga sumasakay sa kanila.

Biro nga ni Jerome, sanay na silang pinapangakuan na kalimitang napapako, pero sana naman ay hindi sa pagkakataong ito dahil kahit sinong anak ni Juan ay ramdam na ramdam ang epekto ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Baka naman po may sagot dito ang Manila City hall o kaya ng LTFRB para naman hindi magmukhang kaawa-awa ang mga trike driver at para malaman na rin kung mayroon ba silang aasahan o wala.

Leave A Reply

Your email address will not be published.