Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Fuel subsidy pinarami benepisyaryo

0 55

Kasama na ang mga nagtatanim ng tubo sa mga bibigyan ng fuel subsidy ng gobyerno para makabawas sa pasanin ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ito ang inihayag ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista sa harap ng patuloy na pamimigay ng fuel subsidy sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa opisyal, ang dating binigyan lamang ng fuel subsidy ay mga magsasaka ng palay at mangingisda subalit ngayon ay isinama na nila ang iba pang sektor.

“Meron tayo ngayon expanded fuel subsidy kasi we also look into other agricultural commodities so iyan ngayon ay inaayos ng ating kagawaran para mas marami pong makinabang. Lahat ng agricultural commodities. So we will involve the sugar planters and other commodities,” ani Evangelista.

Isasama na aniya sa listahan ang mga magsasaka na gumagamit ng makina o makinarya sa kanilang pagsasaka.
Sinabi ni Evangelista na isinasapinal na ng kanilang departamento ang listahan para lahat ng sektor sa agrikultura ay mabigyan ng tulong mula sa gobyerno.

“The list is still being finalize sa mga ibat ibang listahan ng ating mga attached agencies para makita natin paano makarating sa kanila ‘yong tulong sa kanila para sa fuel subsidy,” dagdag ni Evangelista.

Tinitingnan na rin aniya kung puwedeng gawing regular program ang fuel subsidy para mas maraming magsasaka ang matulungan hindi lamang ngayong krisis sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.

“Our different banner programs and attached agencies are looking into it kung ito ay magiging regular ng programa para makatulong sa ating mga producers, sa ating mga magsasaka. But as of now, this is our intervention as far as the crisis is concerned,” wika ni Evangelista.

Ang fuel subsidy ay pinasimulan ng Duterte administration para mabawasan ang kalbaryo ng iba’t ibang sektor sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.