Abante Tonite Interactive

Fultz ‘tinigasan’ kay LeBron

142

‘Di umubra sa magic ni Markelle Fultz si LeBron James at ang Los Angeles Lakers.

Sa final seconds ng laro nitong Miyerkoles, pinekean ni Fultz sa bewang si LeBron, inatake ang traffic bago ibinaon ang final bucket ng kanyang triple-double game.

Bagsak siya, tapos inaatake na ng cramp. Pinagkalumpunan ng Orlando Magic ang kanilang teammate, mabilis na inunat ni Nikola Vucevic ang binti ni Fultz.

“It was the biggest play of the game,” natatawang sabi ni Vucevic.
Dalawang layups ang isinubo ni Fultz sa final minute tungo sa 21 points at tinagpas ng Orlando ang nine-game winning streak ng Los Angeles sa bisa ng 119-118 panalo.

Kinumpleto ni Fultz ang pangalawang triple-double ng career sa sahog na 11 rebounds at 10 assists.

Hindi nagkulang ang suporta ng Magic.

Nag-ambag ng 21 points si Aaron Gordon kabilang ang late go-ahead basket para talunin ang Western Conference-leading Lakers (33-8).

Binura ng Los Angeles ang 21-point deficit, nakipag-agawan sa trangko bago naubusan sa dulo.

May 19 points at career high-tying 19 assists si James, pero kabyos ang panabla sanang 3-pointer 3 seconds na lang sa laro. Pasok ang 3-pointer sa buzzer ni Quinn Cook para tumapos ng season-high 22 points.

Wala pa rin si Anthony Davis sa LA. Kulang din ang Orlando sa pagliban nina injured regulars Evan Fournier, Michael Carter-Williams at DJ Augustin. (VE)