Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gaano ka tatagal na walang tubig?

0 65

Sa kasagsagan ng pagtaas ng kaso ng Covid19, kaliwa’t kanan ang paulit ulit na paalala sa pag-ingat ng sarili at pagsunod sa pagsuot ng mask, pag social distancing, at paglinis ng kamay at paligid. Ngunit sa gitna nito, alalahanin natin ang kamandag ng bagyong Odette at ang madaming nasalanta nito ilang araw bago mag-Pasko. Hanggang ngayon ay nararamdaman ang hirap dahil sa limitado o walang makain at lalo na mainom. Dahil dito, madami ang nagkakaroon ng panghihina at dehydration.

Ang isang malusog na tao ay maaaring tumagal na walang pagkain sa loob ng kahit tatlong linggo. Ngunit hindi ito makakatagal ng walang tubig ng tatlong araw. Halos 60% ng katawan natin ay tubig. Kinakailangan natin ito sa pagkilos ng mag muscles natin, pagkilos at paggalaw ng bituka natin, at pati na ang pagkamalasutla ng ating balat. Mga sintomas na mararamdaman kung kulang ang tubig sa katawan o nade-dehydrate ay pananakit ng ulo, panghihina, pati na ang pagtuyo ng balat.

Hindi lang sa pag-ihi natin o pagdumi nawawala ang tubig. Pati ang pagpawis natin sa balat at sa paghinga natin, nababawasan ang tubig sa katawan. Kaya dahil dito, sa oras na nauuhaw tayo, nababawasan ang lebel natin ng tubig kaya kinakailangan ng uminom at itaas ang hydration levels. Ito ay ang defense mechanism ng ating katawan dahil kapag nauuhaw tayo ay dehydrated na ang kundisyon. Nauunang nababawasan ng tubig ang utak natin kaya may pananakit ng ulo. Habang hindi pa nakakainom, ang dugo ay nagiging mas malapot at dahil dito, naaapektuhan ang ating mga bato o kidneys, kaya humihina, nababawasan o hindi na umiihi. Kung lumapot ang dugo, mas mahihirapan ang puso. Tataas ang bilis ng pagtibok para lang manatili ang normal na blood pressure. Kapag napabayaan, mahihirapan ang puso, bababa ang BP, at hihina ang daloy ng dugo. Maaaring mahilo at himatayin pa. Ang tubig ay nagpapabalanse ng init o temperature ng katawan. Kung kulang ang tubig maaaring tumaas ang temperature at lagnatin.

Ang dami ng tubig na kinakailangan ng katawan natin ay may kinalaman sa kumposisyon ng katawan, pagkain, ang klima sa paligid, metabolismo. Pati na din ang pananamit ay nakakaapekto sa dami ng tubig na kinakailangan. Kung talagang gustong mag kompute ng dami ng kinakailangan na tubig sa katawan, kung lalaki ay 3.7 liters, at kung babae naman ay 2.7 liters sa maghapon. 80% ng tubig na nakukuha ay nanggagaling sa iniinom, ang 20% naman ay sa pagkain.

SM food to go Banner Ad

Sa pang-araw-araw natin ay nararapat uminom ng sapat na dami ng tubig. Ngunit sa mga nasalanta ng bagyo, hirap makakuha ng sapat na dami ng tubig. Maaari makipag-ugnayan sa mga NGO, barangay o mga institusyon para makatulong sa kanila.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe! Get Vaccinated and boostered!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists.  Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.