Abante Tonite Interactive

Gabi ng kababalaghan

528

Rey T. Sibayan
Mga ka-Misteryo nasubukan niyo na bang mag-ghost hunting? Paano kung ang ghost hunting niyo ay nauwi sa sobrang takot at ayaw niyo nang gawing muli?

Tunghayan natin ang kuwento ni Bryan ng Marikina nang magka­yayaan silang magkakaibigan na mag-ghost hunting. Nagsimula sila sa Rizal nang puntahan nila ang isang semen­teryo doon. Bitbit ang kanya-kanyang cellphone ay kaliwa’t kanan ang pagkuha nila ng litrato.

Si Roy, isa sa kasama ni Bryan ay humiwalay nang bahagya sa grupo para kumuha ng litrato sa gawing dulo ng sementeryo. Pagsapit niya sa tapat ng kolumbaryo ay may napansin siyang babae na sumisilip.

“Sino ‘yan? Tagarito po ba kayo,” tanong ni Roy. Biglang nawala sa paningin niya ang babae. Sinikap ni Roy na makita ang babae, pinuntahan niya kung saan ito sumilip ngunit wala ang babae.

Si Nico, kasama din sa grupo ni Bryan ay sandaling tumigil sa pagkuha ng litrato para manigarilyo. Nakasubo na ang sigarilyo sa kanyang bibig at akmang sisindihan nang biglang may hangin at hinipan ang apoy sa posporo. Sinubukan niya muli at nasindihan naman ang sigarilyo.

Si Bryan naman, may naaninag na tila hugis aso sa ‘di kalayuan kaya’t tinutukan niya ito ng flashlight ngunit tila usok na nawalang parang bula sa kanyang paningin. “Sayang, hindi ko nakunan ng video biglaan naman kasi sumulpot,” sambit ni Bryan na nanghihinayang.

Kasunod nito ay pawang orbs ang nakunan ng kanilang cellphone camera at umalis sila sa lugar para tumuloy sa isang haunted compound sa Bulacan.
Maayos naman silang nakarating sa Bulacan at dahil kaibigan ni Bryan ang may-ari ng compound ay hinayaan silang maupo sa isang cottage na walang dingding at nagkuwentuhan.

Kabisado ni Bryan ang kasaysayan ng lugar na pinamumugaran ng mga engkanto. Hindi pa nga umiinit sa kanilang pagkakaupo ang grupo ay may huni ng hayop silang narinig sa ‘di kalayuan.

Biglang lumamig ang hangin na nanuot sa kanilang kalamnan. Nangilabot naman si Roy at kinuha ang kanyang cellphone para mag-video. Likas na kay Roy ang ganun dahil siya ang psychic at clairvoyant. Kaya’t kapag may naramdaman siyang kilabot ay bigla siyang kumukuha ng litrato sa paligid.

Nang tingnan ni Roy ang nakunan niyang video at litrato, tumambad sa paningin niya ang ma­laking hugis mukha ng mabalahihong halimaw sa likod kung saan nakaupo sina Bryan at Nico.

“Pre Bryan may kasama tayo dito malaki ang mukha at matangkad. Mabaho ang hininga,” medyo nanginginig na pahayag ni Roy.

Biglang nasindak si Roy nang lumitaw sa kanyang paningin ang mukha ng kapre, bigla niyang kinalabit sina Bryan at Nico at kumaripas ng takbo palabas ng cottage hanggang sa makarating sa damuhang bahagi ng malawak na compound.

Lalong lumakas ang kilabot na naramdaman ni Roy maging sina Bryan at Nico nang makita nila ang kakaibang uri ng hamog na tila gumagapang at papalapit sa kanila. “Delikado ito, mukhang ayaw nila sa atin, umalis na tayo!”

Ang karanasan nina Bryan, Roy at Nico ay magsilbi sanang aral sa sinuman na gustong mag-ghost hunting. Laging isipin na dumadayo kayo sa teritoryo, kaya mahalaga na magpaalam muna. Sabihin ang inyong intensiyon at ‘wag sugod nang sugod. Puwede namang humingi ng paumanhin at magpasalamat na payagan kayong manatili sa lugar.

Para sa inyong mga kakila-kilabot na kuwento ng kababalaghan, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Laging tandaan: “Pag may Misteryo, Alamin ang Totoo.”