Abante Tonite Interactive

Gadget ‘Di hilig ni ‘Slam dunk Kid’

0 294

Bihira sa mga basketball player ang may abilidad at talento para maisagawa ang mahirap na slam dunk.

Isa na dito si Kobe Lorenzo Paras, ang anak ng tinagurian sa pelikula na si ‘Dunkin Donato’ na natatanging naging Rookie of the Year at Most Valuable Player (ROY-MVP) sa isang season sa PBA na si Benjie Paras.

Edad 21-anyos pa lamang subalit punong-puno na ng ekspiriyensa ang 6-foot-6 na si Kobe sa paglalaro sa iba’t ibang internasyonal na torneo bilang mi­yembro ng pambansang koponan gayundin sa paglalaro nito sa mga de-kalibre na unibersidad sa Amerika.

Kaiba sa kanyang mga kaedad na nahihilig sa mga gadget at computer, mas pinagtutuunan ni Kobe kapag walang pinag­lalaruang torneo na magsanay para mahasa ang kanyang mga kakayanan at mag-enjoy sa paglalaro upang hindi masayang ang kanyang panahon.

Para sa kanya, dapat ay prayoridad ang pag-aaral at huwag aksayahin ang oras sa labis na pagso-social media upang makamit ang anumang pangarap sa buhay.

“Enjoy ninyo muna ang youth ninyo. Maglaro kayo sa labas, then focus sa pag-aaral saka laging makinig sa mga magulang,” sabi ng poging basketbolista.

“Huwag kayo masyadong mag-focus sa mga gadget, kailangan naman na maghanap kayo ng mga sasalihang sports.”

Miss na rin ni Kobe na maglaro para sa National team. Kung siya daw masusunod, gusto niya palagi irepresenta ang bansa.

“Kung ako lang, gusto ko lagi na mag-represent. Iba kasi ang representing your country talaga and iba ang feeling kung ako ang napipili. It is an honor na ako ang pinili, kasi iyung ibang player hindi din napipili. Saka gusto ko lang din naman na mabigyan ng pagkakataon ang iba.

Samantala, nagsimula na ding bumanat si Kobe para sa University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa kabubukas pa lamang na ika-82 taon ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Q & A

Abante: Marami ang umiidolo sa iyo dahil sa husay sa paglala­ro ng basketball at pag-dunk. Ano ang maipapayo mo sa kabataan na nagnanais matuto at makatulad sa iyo?
Kobe: Para sa mga kabataan ngayon, ang dami nang mga gadget, ang daming social media, huwag masyadong mag-cellfone at pag-isipan ninyo kung ano talaga ang priority ninyo.

Abante: Ano ang dapat na gawin para maging kasing husay ni Kobe Paras?
Kobe: Just be youself lang. Kasi ang basketball is not a privilege sports kasi nga ang dami natin pero kakaunti lang ang nakakalaro. Masasabi ko lang sa mga bata na gamitin nila ang privilege maglaro dahil ang basketball, ay nakakapag-unite ng mga tao, ng isang bansa.

Abante: Nami-miss mo ba na maglaro para sa National team?
Kobe: Siyempre naman. Iyong privilege and opportunities na makapaglaro sa Pilipinas, ini-invite naman kasi ako. Hindi naman ako ang pumipili.