Abante Tonite Interactive

Galamay ng ‘Basag Kotse’ niratrat

By
4,013

Bumulagta ang isa umanong galamay ng Basag Kotse Gang habang nakatakas naman ang kasamahan nito matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) mag-aala-una nang mada­ling-araw kahapon.

Inilarawan ang hindi pa nakikilalang suspek na nasa edad 25 hanggang 30, may taas na 5’7, katamtaman ang pangangatawan, naka-face mask ng kulay pula, gray helmet, nakasuot ng itim at asul na t-shirt, pula at itim na shorts at may tattoo sa likod ng katawan na ‘Ramos, Bron at Totie’.

Sa report ni PO1 Christian Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, dakong alas-12:55 nang madaling-araw ay nagsasagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Novaliches Police Station 4 sa pamumuno ni SPO1 Patricio Gayo nang maispatan ang isa sa mga suspek na may hawak na martilyo at binasag ang tinted na salamin sa driver’s seat ng kulay itim na Mitsubishi Adventure na ­nakaparada sa bakanteng lote sa Rubina St., Brgy. Nagkaisang Nayon.

Nabatid na ang ­nasabing sasakyan ay pag-aari ng 36-anyos na si Jonathan Roldan.

Pero nang makitang papalapit ang mga pulis sa kanya ay agad na pinaputukan umano sila ng baril ng mga suspek. Walang tinamaan sa panig ng mga ­awtoridad na gumanti rin ng ­putok at tinamaan ang ­nasa­wing suspek.

Nang duguang ­bu­malagta ang suspek ay mabilis na tumakas ang kasama nito na ­nagsilbing ‘lookout’, sakay ng motorsiklo na walang plaka.

Rerebisahin naman ng mga imbestigador ng QCPD ang CCTV recording sa nasabing lugar para makilala ang nakatakas na suspek.