Abante Tonite Interactive

Galamay ng NBP drug lord todas, P27M shabu nasamsam

367

Isang drug dealer ang napatay at umaabot sa apat na kilo ng shabu o tinatayang may street value na P27.2 milyon ang nasamsam matapos na makipagbarilan umano ang suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Quezon City Linggo nang madaling-araw.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar, ang napatay na suspek na nakilalang si Edgardo Alfonso, residente ng Brgy. Tramo, Pasig City, ay posibleng may koneksyon sa mga drug lord sa NBP.

Ikinasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit, Quezon City Police District, at Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) dakong alas-5:15 nang madaling-araw sa harapan ng isang gasolinahan sa P. Tuazon Avenue kanto ng 18th Avenue, Brgy. San Roque, Quezon City.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ng droga ang kukuha sana ng isang kilo ng shabu sa suspek gamit ang P1.5 milyon boodle money pero nakahalata umano ito na awtoridad ang kanyang katransaksyon.

Tinangkang tumakas ng suspek habang pinapuputukan ng baril ang operatiba hanggang sa makorner siya sa kanto 18th at Del Pilar Street kung saan gumanti na rin ng putok ang mga awtoridad na humantong sa kanyang pagkamatay.

Nakakuha ang mga awtoridad ng apat na malalaking plastic ng pinaniniwalaang shabu na may tig-isang kilo kada pakete na umaabot sa kabuuang halaga na P27.2 milyon, isang kalibre .45 na baril na ginamit ng suspek sa panlalaban, at narekober din ang P1.5 milyong boodle money.

“Kasama sa case ope­rational plan ang tran­saction mga kumpas sa na nakakulong sa Bilibid na nagbibigay ng ­guidance, utos galing doon at sila nagpapatakbo dito sa labas kaya ‘yun ang patuloy natin iniimbestigahan”, pahayag ni Eleazar sa media interview kahapon.

“Batay sa mga transaction ng ating mga kausap nagbibigay sila ng ganun inpormasyon so we need to find it out kung ano talaga modus siya kasi yung courier trusted ng group ng deliver huge quantity kaya patuloy ng case buildup”, dagdag pa nito.

Dinala sa PNP crime laboratory ang mga nakumpiskang ebidensya para sa eksaminasyon. (Edwin Balasa/Dolly Cabreza)