Abante Tonite Interactive

Galeriya ng mga atleta

By
1,627

Pansumandaling nakakuwentuhan ng inyong TP ang incharge sa 61st Palarong Pambansa 2018 Gallery of Athletes “Success of Yesterday, Inspiration of Today” sa Ilocos Sur na si Cecille R. Mendiola ng Department of Education (DepEd) Central Office sa PhilSports Complex (dating ULTRA), Pasig City.

Nasa Vigan City Convention Center kami at nag-aabang matapos ang kasagsagan pa nang noo’y 2018 PP board meeting na pinanga­ngasiwaan ni DepEd Secretary Leonor Briones para sa nanalo ngang 2019 PP host Davao City laban sa tatlong bidder.

Nasabi po ng inyong lingkod sa mga kasama nating Manila-based mediamen habang tumitingin kami ng mga nakahilerang kuwadro sa Gallery of Athletes ang paglalagay ng taon sa edisyon ng Palaro na naka-caption sa bawat manlalaro na naka-display sa VCCC.

Narinig pala ang nasabi ng aba ninyong lingkod ang mungkahi.

“Hayaan niyo po Sir, noted,” tugon niya sa aking likuran kahit hindi pa kami magkaki­lala. Kaya nagpakilala na kami sa isa’t isa at nagkakuwentuhan pagkaraan.

Hinihiling niya sa mga nanalo ng gold medal na atleta o kanilang mga pamilya o kamag-anak sapol sa ­unang edisyon ng taunang Pa­laro sa Maynila noong 1948 na ipabatid ang kanilang mga nakamit na karangalan, kinalalag­yan ngayon upang masama sa magagawan ng kuwadro at ipapaskil sa mga parating pang Pa­laro.

“Gusto lang na­ming maging inspirasyon ang kanilang mga na­ging tagumpay ng mga batang atleta ngayon na puwede nilang maging modelo sa Palaro at sa kanilang buhay,” esplika ni Mendiola.

Kaya po sa mga da­ting Palarong Pambansa gold medalist, o inyong mga kamag-anak diyan, makipag-ugnayan na po kay DepEd-CO PP Gallery of Athletes Team leader Mendiola na maaaring sadyain sa DepEd sa Meralco Ave., Pasig.

Makokontak rin siya sa kanyang mobile no. 0915 578 0725 o sa email ndcep2014@gmail.com.

***

Finish line: Congra­tulations sa aking bunsong anak na si Ralph Vincent E. Cruz na nagtapos ng elementarya na may apat na gold medal. Pang-apat (second hono­rable mention) sa Top 13 sa Liberato Damian Elementary School sa Sta. Cruz, Pasig City Batch 2017-2018, Best in Araling Panlipunan, Best in Production Workshop for Children at Boy Scout Outstanding­ Patrol (1 sa 6).

May School Certificate of Recognition din siya sa pagiging staff ng Munting Tinig na opisyal na publikasyon ng eskuwelahan mula sa kanilang prinsipal na si Thelma Lattao at Class Certificate of Recognition for Being Most Intelligent buhat sa kanyang teacher-adviser Ismaelita Señora.