Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Galing ng mga taga-Maynila, lumutang sa pandemya

0 145

Habang ating nililingon ang taong nakalipas, maari nating isipin na kung may buti mang naidulot ang pandemya, ‘yan ay ang pagkakaroon ng pagkakataon ng bawat isa sa atin na mailabas ang ating kagalingan at ‘yan ay partikular kong mapatutunayan sa kaso ng mga opisyal, kawani at maging mga residente ng Maynila.

Sa hanay ng aking mga minamahal na taga-Maynila, napatunayan nila na kayang-kaya nilang sumunod sa mga regulasyong nakatakda at magsakripisyo kung ito ay para sa kapakanan ng buong bansa. Ito ay lumitaw sa mga naganap na lockdownt mga minimum health protocols at talaga namang ipinagmamalaki ko ang mga Batang Maynila.

Gayundin sa aking mga kapwa opisyal at kawani na nagpamalas ng kanilang dedikasyon nang buong-puso nilang ginampanan ang mga trabaho na lagpas na at labas na sa kani-kanilang mga opisyal na tungkulin.

Walang takot at buong dedikasyon nilang pinaglingkuran ang lungsod at mga mamamayan nito bilang ‘instant frontliners’ habang ang buong pamahalaang-lokal ay abala sa pagbibigay ng atensyong medikal sa mga biktima ng COVID-19 at sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mga hakbang na layuning pababain kungdi man tuluyang ihinto ang pagkalat ng coronavirus sa mga komunidad.

Yaong mga walang kinalaman sa medical care ay nag-ambag sa pamamagitan ng pagtulong sa pagdadala o distribusyon ng mga pagkain at pinansiyal na tulong sa mga mamamayang-lungsod.

Sa kagustuhan naming lahat ay makatanggap ng tulong sa panahon ng health emergency crisis, sinikap naming iparamdan ang mga benepisyo sa tao at maiparating ang mga ito sa kanila nang mabilisan at walang kahirap-hirap. Ang mga nasabing benepisyo ay kinabibilangan ng financial assistance na P500 kada buwan para sa Grade 12 students, persons with disabilities, solo parents at senior citizens at P1,000 naman para sa mga mag-aaral ng Universidad de Manila (UDM) at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Nakapaloob ang mga nabanggit na benepisyo sa Manila City Ordinances number 8564 at 8565 na ipinasa ng Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor and presiding officer Honey Lacuna, Majority Floorleader Joel Chua at mga miyembro ng majority bloc at bilang bahagi ng local government social amelioration stimulus package para sa mga kwalipikado at karapat-dapat na Batang Maynila,

Ang mga naturang benepisyo ay sabay-sabay naming ipinamahagi sa layuning tiyakin na aabot ito sa Pasko upang may pambili ang mamamayan ng pagkain, regalo para sa mahal sa buhay o para sa sarili.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa loob lamang ng dalawang linggo ay nakapagpalabas ang pamahalaang-lungsod ng mahigit P556 million para sa mga nasabing benepisyo at ang aming tanging intensyon ay makapagdala ng ngiti sa mga taga-lungsod sa kalagitnaan ng health crisis at tiyakin sa kanila na katabi at kasama nila ang gobyernong lokal at may pag-asa pa.

Sa puntong ito ay nais kong papurihan ang patuloy na pagsusumikap ng mga nasa likod ng pamamahagi ng mga tulong pinansiyal at pagtitiyak na ito ay maipamigay ng mabilis at maayos, habang sinusunod ang mga itinakdang minimum health protocols.

Karapat-dapat sa mataas na papuri at pasasalamat sina Manila social welfare department chief Re Fugoso na responsible sa solo parents at PWDs; ang Office of the Senior Citizens’ Affairs na pinamumunuan ni Marjun Isidro at nakasasakop saa sa senior citizens at UDM president Malou Tiquia na pawang matagumpay na naipatupad ang pamamahagi ng cash assistance sa kani-kanilang nasasakupang sector sa maayos na paraan. Ipinagmamalaki ko sila.

Sa kaso naman ng PLM, nais kong linawin na ang naganap ay isang ‘isolated case’ o katangi-tanging insidente lamang. Kapuri-puri din ang grupo ni city treasurer Jasmin Talegon na walang angal na nag-overtime upang tapusin ang pag-proseso sa mga mag-aaral na dumagsa para sa kanilang allowance.

Muli, ang aking paghingi ng paumanhin sa mga mag-aaral ng PLM at sa kanilang mga magulang at buong kababaang-loob kong hiling sa inyo na sana ay tignan ninyo ang insidente bilang bahagi ng nanganganay at sa halip ay tignan ang kabuuan na natugunan ang problema at naibigay din nang buo ang allowance ng mga bata.

Pagdating naman sa food assistance, malaki ang ating dapat ipagpasalamat sa mga volunteers na tumulong sa repacking at mga kawani na, kasama na din ng mga barangay, ay tumulong sa pamamahagi ng mga pagkain sa mga tahanan mismo ng mga taga-lungsod. Ang mga personnel na ito ay kinabibilangan ng Manila Traffic and Parking Bureau sa pamumuno ni Dennis Viaje at city engineer’s office sa ilalim ni Engr. Armand Andres gayundin ang department of public services na pinamumunuan ni Kenneth Amurao.

Ang kagalingan ng mga mamamayan ng Maynila, mga opisyal at kawani ng pamahalaang-lungod ay nasalang sa masusing pagsubok at naipasa nila ito nang higit pa sa inaasahan. Ang tangi kong masasabi ay maraming salamat sa Diyos at ibinigay sila sa akin upang aking makaagapay. Kudos sa kanilang lahat!!! ***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

For updates on latest developments in the city of Manila, please visit my Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.