Abante Tonite Interactive

Galing ng Pinoy

By
540

Lahat tayo, may sari-sariling laban sa buhay. Lahat tayo, sasagupa dito at aasam na manalo sa bandang huli.

Mapatrabaho man, politika, sports o simpleng kumpetisyon ng magkatunggali sa pag-awit, pagsayaw at kung anupaman.

Pero sa iilan, may mas malaking laban silang hinaharap. Minsan sa buhay nila, may laban silang hindi para sa kanilang sarili. Pwedeng laban para sa pamilya nila… minsan para sa eskuwelahan… at sa mas malawak pa, para sa bayan.

Iba ang pakiramdam na tawagin ka bilang kawal ng Pilipinas at gamitin ang galing upang lumaban sa isang kompetisyong international. Mabigat ang pressure, malakas ang kompetensiya, at maraming sumusubaybay. Pinapanood ka at kinakatawan mo ang bayan mo. Hindi madalas mangyari ‘yun. Kasi sa dami ng Filipino, parang ang liit ng tsansa na ikaw ay mapili at maipadala sa ibang bansa upang ilaban ang Pilipinas.

Sikat sa Pilipinas ang basketbol. Ito ang laro ng karamihan sa kabataan dito.

Madaming magaga­ling. Madaming manla­laro. Maraming dahilan para hindi ikaw ang mapili.

Kaugnay nito, ang Jones Cup ay isa sa mga prestisyosong pa­laro na sinasalihan ng ating bayan. Ginagawa ito sa Taipei, Taiwan.

Para sa taong ito, pinadala ng Pilipinas ang koponan ng Ateneo Seniors Basketball Team. Ito ang kasalukuyang kampeon ng UAAP.

Nilaro nang may puso ng Team Ateneo ang lahat ng laban nito. Pero sa lahat ng mga laro, ‘yung laban nila sa Taiwan ay isa sa pinakamatatandaan ng mga basketball diehards dahil sa classic game na pinakita ng Team Pilipinas.

Sa kanilang laro laban sa Taiwan, naging mahigpit ang laban ng Pinoy. Hanggang sa dulo ng laban. Sa hu­ling tatlong segundo, lamang ang Taiwan ng dalawang puntos matapos maipasok ang dalawang free throw ng Taiwan. Sa susunod na ball possession ng Pilipinas, nilabas ni Thirdy Ravena ang bola sabay pinasa kay Matt Nieto na bumitaw at nakabuslo sa three point lane na nagpanalo ng laban. Ang reaksyon ni Nieto at ng coach ng Taiwan ang magtatagal sa isip ng mga tao.

Laban Pilipinas sabay tapik sa kanyang puso… ang galaw ni Matt Nieto ang sad­yang nagbigay-kulay sa panalo natin. Walang duda. May angas ang Pilipinas. Nanalo tayo sa isang malakas na kalaban. Masarap ang pakiramdam na makisaya sa panalo ng Pilipinas. Umigting ang dugong Pinoy na nagmamalaki sa galing ng kapwa Pinoy.

Nag-viral ang ­video ng huling buslo ni Matt Nieto. Nag-viral ang saya ng mga taong lumahok sa labang ‘yun. Isang magandang ehemplo ng tagumpay ng isang koponang kumatawan sa ating bayan. Gawin natin itong inspirasyon para lalong mapaigting ang pagmamahal natin sa ating bayan.

Mabuhay ka, Matt Nieto! Mabuhay, Team Ateneo! Laban ­Pilipinas!