Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Galit na male personality biglang nanahimik

0 1,312

Kung gaano katapang nu’n ang isang sikat na male personality sa pagsasalita bilang pagtatanggol sa kanilang network ay ganu’n din siya katahimik nang lumabas na ang paghusga.

Hindi na bumubula ang kanyang bibig sa pagkuda, hindi na rin siya naghahamon, biglang nanahimik ang sikat na male personality.

Natural lang na maraming miron sa pagdinig ng problema ng istasyon, alam ng mga ito ang maraming kuwento, alam nila na malaking-malaki ang partisipasyon ng sikat na lalaking personalidad sa mga naganap.

Kuwento ng isang source, “Kung hindi na lang sana siya nagsalita nang napakatulis. Kung hindi sana siya naghamon. Kung hindi sana siya nagpakawala ng mga salitang nanugat sa mga pinatutungkulan niya.

“Malaki ang naging epekto nu’n dahil nilahat niya ang mga kumokontra sa hinihingi ng network nila. Ang tikas-tikas niya kasi, galit na galit, nakaapekto ‘yun!” kuwento ng impormante.

May mga nagkokomento naman na sana’y nagpakumbaba na lang ang mga taga-network pati ang kanilang mga artista.

Patuloy ng aming source, “Nakakaawa rin ang mga personalities na nagmatapang, kailangan kasi nilang gawin ‘yun dahil may nagsasabi sa kanilang makipaglaban.

“Nakakalungkot lang dahil nagamit sila. Nagpagamit din sila. Sana, hindi na lang sila nagpa-interview pa tungkol sa nararamdaman nila. Minarkahan tuloy sila,” dagdag na impormasyon pa ng source.

Hindi na malaman ngayon ng mga personalidad na naapektuhan ang kanilang gagawin. Paano na ang kanilang career, ang kanilang kabuhayan, ano na ang magiging kapalaran nila?

“Maraming artista nila ang kumuha ng pahulugang sasakyan, nagpatayo ng bahay na hindi na alam ngayon ang gagawin dahil wala na silang pagkukunan ng pondo para matapos ang ipinagagawa nila.

“Salot na ang COVID-19, pero isa pang salot ang umatake sa kanila. Nakakalungkot naman,” pagtatapos ng aming source.

Regine aga nag-retire

Naging malaking isyu ang paglipat ni Regine Velasquez sa ABS-CBN pagkatapos niyang magserbisyo nang maraming taon sa GMA-7.

Nadagdagan pa ang kontrobersiya dahil sa mga pinakawalang pahayag ng Asia’s Songbird na sa wakas, nasa bakuran na raw siya ng number one network, kaya kaliwa’t kanang pamba-bash ang inabot niya.

Pero isang kaibigan namin ang nagpaalala, sabi nito, “Sinabi rin kasi nu’n ni Regine na dream niyang mag-retire sa pinakamalaking network.

“Ayan tuloy, nag-retire siya nang wala sa oras. Minsan kasi, hindi nila nababantayan ang emotion nila when they’re on top of the world,” komento ng aming kausap.

Pero mahalagang nakikita rin sana natin ang mga pinakakawalang pahayag ni Regine mula nang ipasara ng NTC ang kanilang network.

Halos araw-araw siyang nagdarasal at humihingi ng pagkakataong mapalawak pa sana ang pagsahimpapawid ng ABS-CBN. Hindi nga niya isinasali ang kanyang sarili, ang mga empleyado ng istasyon ang kanyang prayoridad, ang mga mawawalan ng trabaho kapag ipinasarado na nang tuluyan ang network.

Kaya nga hindi maganda sa panlasa ang sabihing siya ang may hatid na malas sa ABS-CBN. Lumipat man o hindi si Regine ay mangyayari pa rin ang senaryo.

Kung hindi natin nakikita ang COVID-19 na limilipol nang milyon-milyon sa buong mundo ay ganu’n din ang naganap sa ABS-CBN.

Hindi rin nila nakita kung sino ang tunay nilang kalaban.

Leave A Reply

Your email address will not be published.