Abante Tonite Interactive

Galit si Duterte sa mga tamad na meyor

By
12

Ano ba itong mga meyor at mga lokal na opisyal, parang pako na kailangan pang pukpukin ng martilyo para bumaon? Kailangan pa bang si Pangulong Digong Duterte pa ang humambalos sa kanila para gampanan ng maayos ang kanilang mga trabaho?

May rason si Digong para madismaya sa Local Government Units (LGUs) na patuloy na nagpapabaya sa problema sa basura at pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.
Nabuwisit pati ang Presidente dahil nuknukan na ng dumi ang ating kapaligiran dahil na rin sa mga ga-bundok na basura sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad.

Pangunahing dahilan din ito kaya kahit kaunting ulan lamang ay nagkakaroon na ng baha.
Bago naluklok sa Ma­lakanyang, mahigit dala­wang dekada ring naging mayor si Duterte kaya alam nito ang tungkulin ng isang alkalde pagda­ting sa problema sa basura.

May kanya-kaanyang discretionary funds ang bawat LGUs kaya’t nakapagdududa aniya kung bakit hindi nagagamit nang tama ang mga pondong katulad nito pagda­ting sa problema sa basura.

Hindi kaya naibulsa ng mga alkalde na ito ang discretionary funds at intelligence fund? Kaya dapat lamang po na ipabusisi na po ninyo ‘yan Pangulong Digong. Naku, ‘pag ginawa po ninyo ‘yan, baka parang ga-bundok na basurang ano­malya ang inyong makalkal?

“I will create a special team. I will review pati ‘yung intelligence funds ninyo. ‘Yan ang pinakamadaling mapasok sa bulsa eh,” ani Duterte.
“‘Yung mga mayor na hindi performing, you make your city clean and peaceful,” dagdag pa niya.

Sa mga makukupad kumilos at tatamad-tamad na mga lokal na opisyal, kinakabahan na ba kayo sa magiging SONA ng Pangulo sa Lunes?
Ayon kay Presidential Communication Office (PCO) Assistant Secretary Ramon Cualoping na walang drama, straight to the point at sesentro ang talumpati sa polisiya sa susunod na anim na taon ng Duterte administration.

Hindi rin umano magtatalumpati ng mahaba si Duterte tulad ng mga nakagawian ng mga naging Presidente at magiging malinaw umano ang magiging laman ng talum­pati na gusto lang mari­nig ng mga tao.

Nauna rito, binalaan ng Pangulo ang mga empleyado at mga opisyal ng gobyerno na tatanggalin agad sa trabaho ang lumalagpas sa kanilang lunch break at tumatakas para maglamyerda sa mga mall.

Sinabi ni Pangulong Duterte na dapat isipin lagi ng mga manggagawa sa national at local government offices na binabayaran sila ng mga mamamayan para magtrabaho ng maayos.