Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Galunggong importer nabitag

0 46

Nanganganib na bawian ng lisensiya ang isang malaking importer ng mga seafood, karne at deli matapos sampahan ng kasong smuggling ng Department of Agriculture (DA).

Base sa ulat ng online news site bilyonaryo.com.ph, dinemanda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), isang ahensya na nasa ilalim ng DA, ang Hightower Inc. dahil sa misdeclaration at divertion ng P1.9 milyong halaga ng mga galunggong galing China.

Ayon kay Dr. Nilo Katada, hepe ng BFAR Protection and Law Enforcement Group, nasabat ng isang grupo ng mga taga-DA at mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) ang delivery noong Disyembre ng mga umano’y frozed squid ng Hightower para sa mga buyer nito a Quiapo.

Subalit nadiskubre na ang mga kargamento ay inilipat sa Amber Business Park sa Parañaque sa warehouse na pag-aari umano ng isang Lanie Duran ng Glacier Megafridges Inc.

Binuksan ng raiding team ang mga cargo at natuklasan ang shipment ng Hightower na naglalaman ng 1,393 kahon ng mga lalaking galungong, 325 kahon ng babaeng galunggong, at 215 kahon ng mga posit.

Unang inihayag umano ng mga warehouse staff ng Glacier na ang mga kargamento ay pag-aari ni Duran subalit lumitaw sa imbestigasyon na nakapangalan ang mga ito sa Hightower.

Kapag napatunayang guilty ng DA-BFAR adjudication committee ay papatawan ang Hightower ng multa na limang beses ng halaga ng mga nasabat na kontrabando o nasa P300,000 hanggang P500,000 halaga at kukumpiskahin din ang mga nasabing fishery/aquatic product para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, sinuspinde na ng BFAR ang Sanitary and Phytosanitary Import Cleanrance (SPSIC) ng Hightower habang nahaharap pa ito sa kaso.

Ayon kay Katada, maaaring tuluyan nang bawiin ang accreditation ng Hightower at i-blacklist na lahat ng opisyal nito sa negosyong may kinalaman sa isda.

Nirekomenda rin ni Katada ang agarang pagbawi sa accreditation at license to import ng Hightower.

Nabatid na itinatag ang Hightower noong 2002 at ang pangalan pa nito ay Circle of Trade, na isa sa pinakamalaking supplier ng mga sariwa at processed Asian food import sa mga hotel, restaurant at supermarket.

Kabilang sa mga subsidiary nito ay ang Hightower Storage, Hightower Construction and Real Estate at Artisan Cellars and Fine Foods. Kabilang naman sa mga brand nito ang Seafood Catch, Great Earth, Fishing Village, Pike Market, Finest, Farmer’s Best, Asian Deli at Chop Shop.

Leave A Reply

Your email address will not be published.