Abante Tonite Interactive

Game-fixing at “childishness”

157

Kahapon ay kinumpirma ni Navotas Rep. Tobias ‘Toby’ Tiangco na umalis na siya sa United Nationalist Alliance at kasabay nito ang kanyang pagbitiw din bilang presidente ng UNA na siyang ginamit na partido ni da­ting Vice President Jejomar Binay sa bigong pagtakbo bilang pangulo ng bansa.

Ang maniobrahan sa pagpili ng minority leader na tinawag ni Tiangco na “game fixing” ang naging dahilan ng pagbibitiw niya sa UNA na direkta niyang sinabi kay Binay na siyang founder ng UNA.

Hindi nagustuhan ni Tiangco na si Speaker Pantaleon­ Alvarez din ang pumipili kung sino ang gusto nitong maging minority leader sa Kamara para matiyak na hindi­ magiging all-out oppositionist ang minorya.

Sinabi umano ni Speaker Alvarez kay Binay na ayaw nilang maging minority ‘yung mga miyembro ng Liberal Party­ pero ang problema naman ng UNA ay siyam lang ang miyembro nito sa Kamara kung kaya talo agad sila sa botohan.

“Ang gagawin nila is magbibigay sila ng boto from the majority na boboto sa UNA, but the condition was that Danny Suarez should be the minority leader. Sabi ko, kung ganyan ang mangyayari, at mananalo lang ang UNA dahil pina­hiram ng boto, hindi na ako sasama diyan kasi pati ba naman sa House of Representatives, may game fixing?” paliwanag­ ni Tiangco sa panayam ng ABS-CBN News Channel.

Umatras sa minorya si Belmonte at mga miyembro ng LP matapos magpasya na sasama sila sa mayorya na ­binubuo ng mga bumoto kay Alvarez bilang Speaker. ­Kaya si Suarez pa rin ang naging minority leader na hindi rin ikinatuwa ni Tiangco dahil nga mas gugustuhin niyang matalo ang UNA sa minorya sa patas na laban at hindi manalo dahil sa “game-fixing”.

Kung may game-fixing sa Kamara, sa Senado naman ay nanatili ang horse-trading lalo pa’t dalawang grupo ng mga senador ang nagsisilbing “swing votes” at ito ay ang tatlong senador ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at anim na senador ng Liberal Party.

Ang dalawang paksyon sa Senado ang malamang na tinutukoy ni Senador Alan Peter Cayetano na kumausap sa kanya para maging Senate president kapalit ng mga kundisyones na sumesentro sa mga committees na bahagi ng “horse trading”.

Ito ang isinulat ni Cayetano sa kanyang Facebook account: “[Two] groups offered me a deal.

Taking just 1 of the two offers would have made me Senate President. Yet somehow I was never tempted to take the deal…I thought long and hard about it and I asked myself, how could a deal that made me [Senate President] but put the President and his agenda in jeopardy, be one that helps or protects him?

I asked myself this question since I promised myself I will only get it if I can help and protect the President and his agenda, otherwise I’ll be inutile, powerful yet powerless,” he added.

Hindi dumalo kahapon si Cayetano sa opening ng sesyon ng Senado kung saan sa botong 20 ay nahalal bilang bagong Senate President si Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ng Partido Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-­Laban) na siya ring partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinawag na “childish” o isip-bata ni Senador Antonio Trillanes IV si Cayetano dahil sa hindi nito pagsipot sa botohan ng Senate president at palaisipan ngayon kung sa mayorya ba sasama si Cayetano o sa minorya na pinamumunuan ngayon ni Senador Ralph Recto ng Liberal Party.

“Kung magiging minority siya, hindi magiging maganda ang dating. Parang, I believe it is childish and immature for him to do that kasi magkasama sila ni President Duterte. Bakit childish? Kasi hindi niya nakuha ang gusto niya. Dapat he should be man enough to admit na he lost. He should move on,” ani Trillanes na kasama­han niya sa Nacionalista Party.

‘Yan nga ang magiging dilemma ni Cayetano. Sasama­ ba siya sa mayorya na binubuo ng mga nag-torpedo ng Senate presidency niya o sa minorya kung saan isa sa ­bumanat nang matindi kay Duterte na si Trillanes ay makakasama niya sa minorya. Abangan…