Abante Tonite Interactive

Gamitin ang kokote sa panahon ng krisis

486

Marami ang kumulo ang dugo sa maling hakbang ni Senador Koko Pimentel nang samahan nito ang kanyang maybahay na si Kathryna na nakatakdang magsilang sa Makati Medical Center (MMC).

Kaya pati ang pamunuan ng MMC ay kinondena ang kanyang ginawa at tinawag nilang ‘reckless’ at ‘irresponsible’ ang mambabatas.

Ang publiko, nagpuyos ang galit sa ginawa ng senador. Kasi nga naman person under investigation (PUI) tapos lumabas pa siya sa kanyang lungga. Malinaw kasi na nilabag niya talaga ang home quarantine protocol.

Hindi mo masisisi ang publiko kasi nga naman sumusunod sila sa pinag-uutos ng gobyerno pero ang senador na isang halal na opisyal ay siyang nanguna pang lumabag sa kautusang ito.

Sa galit nga ilan, ibinalik ng mga netizen ang campaign slogan ng senador noong nagdaang senatorial election na “Gamitin ang KOKOte”. Sabi nga nila, bakit hindi ginamit ng senador ang kanyang “kokote” ngayong nahaharap ang bansa sa coronavirus crisis?

Nag-apology na si Pimentel sa kanyang maling hakbang. Katuwiran niya, sinamahan lang niya ang kanyang misis noong panahon at walang intensiyong manakit o manghawa ng iba.

Paliwanag niya, nasa MMC na sila noon ng kanyang asawa nang tumawag ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa kanya at pinalaam na positive siya sa virus. Nang malaman, hindi na siya nagtagal doon at umalis na ng ospital.

Sabi ng MMC, anim hanggang walong indibidwal ang may direct contact kay Pimentel noong magtungo ito sa ospital para samahan ang kanyang misis.

Well sana ipagdasal natin na hindi nahawahan ang mga doktor at iba pang personnel ng MMC na nakasalamuha ng senador ng oras na iyon.

Kung may nahawan man siya, malaking dagok iyon sa MMC dahil mababawasan ang kanilang workforce lalo na ngayong tumataas ang bilang ng mga coronavirus patient.

Pero kahit na nag-sorry ang senador, kahit na humingi siya ng pang-unawa sa publiko, still may pananagutan pa rin siya.

Bagama’t walang sinabi ang MMC na kakasuhan nila ang senador, maraming puwedeng kaharaping kaso at parusa ang mambabatas.

Ilan sa mga posibleng penalty ay suspension o expulsion niya sa Senado para sa kanyang unparliamentary behavior. Disbarment pwede rin. Maaari ring magmulta ang senador ng P50,000 o jail term na isa hanggang anim na buwan dahil sa pagkabigo nitong ibunyag na siya ay pinagsusupetsahang may COVID-19.

Para naman sa paglabag sa enhanced community quarantine, maaaring pagmultahin si Pimentel ng P10,000 hanggang P50,000 o pagkakakulong ng isang taon.

Malaking pagkakamali talaga ang ginawa ng senador. Nakakaawa man siya pero kailangan niyang managot sa maling hakbang na kanyang nagawa. Pero siyempre dasal natin maging maayos ang kalagayan ng kanyang asawa at baby.

Siguro huwag na lang natin tularan ang ginawa ng senador (bagama’t sinasabi niya na hindi iyon intentional). Sa panahon na nahaharap tayo sa matinding krisis, mainam na gamitin natin ang kokote.

Tonite – Wendys Inhouse Ad