Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gamot kuno sa COVID kinumpiska: Chinese pekeng doc timbog sa clinic

0 313

Timbog ang isang Intsik dahil sa umano’y iligal na panggagamot at pagbebenta ng mga hindi rehistradong Chinese medicine sa gitna ng nararanasang pandemya sa COVID-19.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas, kakasuhan si Tian Shang Guo, Chinese national, 47-anyos, ng Bgy. 76, Zone 10, Diosdado Macapagal Avenue, Pasay City ng paglabag sa RA 9711 (Food and Drug Administration Law) at RA 10918 (Philippine Pharmacy Law).

Hinuli ng magkakasanib na miyembro ng Regional Intelligence Unit (RIU) ng NCRPO, Criminal Investigation and Detection Unit(CIDU) – Regional Field Unit (RFU) -NCR, Southern Police District (SPD) at Pasay City Police Station ang suspek habang minamantini ang kanyang Kang Fu Clinic sa nasabing lugar bandang alas 6 noong Lunes ng gabi.

Nakumpiska sa kanyang klinika ang mga kahon ng iba’t-ibang uri ng Chinese medicine para umano sa Covid-19 at iba pang sakit.

Sinabi ni Sinas na nakatanggap sila ng impormasyon na nanggagamot ang suspek sa kabila ng kawalan ng lisensya at nagbebenta ng mga gamot na hindi rehistrado sa FDA.

Nauna nang nagbabala ang FDA sa publiko na peligrosong uminon ng gamot para sa anumang sakit, partikular sa Covid-19 kung hindi ito dumaan sa pagsusuri at pag-apruba ng ahensya. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.