Abante Tonite Interactive

Gamot sa pagod

0 308

Dr. Rylan Flores

Mayroon tayong tagasubaybay na sobrang pagod sa pang-araw-araw na gawain, mula sa alaga ng mga anak na pumapasok sa paaralan, sa pagpasok niya sa trabaho, aktuwal na maghapon na responsibilidad, pag-uwi may gawaing bahay pa. “Ano ang pinakamagandang gamot sa pagod para hindi ako mahirapan at matapos ko ang lahat ng trabaho ko?” Ang sagot ko naman dito ay iisa. Ang pinakamagandang gamot sa pagod ay hindi gamot, kung hindi ay ang pahinga lamang. Napa­kasimple ngunit hindi basta-basta kayang gawin… ang REST. Hindi lahat ng bagay ay nakukuha sa pag-inom ng tableta o kapsula.

Kadalasan sasabihin sa atin ng ating pasyente na nagpapahinga sila, hindi papasok at sinasabing nasa bahay naman sila. Ang problema, hindi dahil wala sa trabaho ay pahinga na agad. Ang gawaing bahay ay trabaho rin. Kaya nga tinawag na “housework”. Lahat ng kilos at galaw ay trabaho. Kaya kapag sinabing pahinga, aktuwal na pahinga ang kailangan. Madalas ang iniisip natin na dahil wala sa trabaho ay pahi­nga na, ngunit pag nasa bahay, may mga nakikita na iba’t ibang bagay na maaaring gawin mula sa pag­linis ng bahay, paglampaso, paglaba ng mga toneladang kumot o kukurtinahin, at magluluto ng para sa isang barangay dahil minsan lamang nasa bahay.

Related Posts

Mahigit 80% ng nararamdaman ay muscle at soft tissues ang pinanggagalingan. Ito ay ang strains, tensions and spasms na kadalasan ang pangunahin na kailangan ay maipirmi lang sa higaan. Ang pahinga sa aktuwal na depinisyon ng pahinga ay kung kakain, maliligo o magbabanyo lamang, pagkatapos, balik ulit sa paghiga. Isang araw lamang ang kinakaila­ngan dito dahil makakasama rin ang sobrang paghiga. Sa natitirang ibang araw ng linggo naman, hinay-hinay at limi­tado ang kilos at galaw. Kailangan pumunta sa isang lugar, sige dahil kailangan, ngunit huwag tatakbo papunta doon, huwag paikot-ikot papunta doon, at lalong huwag paba­lik-balik doon, limitahin lang ang pagkilos. Pati ang pag-ehersisyo, jogging at stretching ay huwag muna gawin, lalong-lalo na ang maglaro o mag-sports. May panahon para rito. Hindi puwedeng ipagsabay ang pahinga sa pagkilos at galaw.

Maaaring maglagay ng warm compress, kahit 20 minutos dalawang beses maghapon sa lugar kung nasaan may kumikirot. Makakatulong ito sa pagrelaks ng muscles. Kadalasan pagkagising kinabukasan ay maganda na ang pakiramdam. Kung hindi mawawala ang nararamdaman, magpatingin na sa doktor para malaman ang pinanggagalingan maliban sa madalas na pagkapagod.
Hanggang sa susunod na Huwebes.

***
J. Rylan G. Flores, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigeno­mics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Phi­lippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medi­cal Center. Speake­r sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang perso­nalidad sa pelikula, telebisyon at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kaka­bilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.