Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Garbage collector napikon sa buraot, nanaksak

0 362

Sa halip na basura, rehas na bakal ang hawak ngayon ng isang garbage collector matapos itong arestuhin ng mga pulis, dahil sa ginawa niyang pananaksak sa kanyang kasamahan, na nanggising sa kanya para lang humingi ng perang pambili ng sigarilyo, sa Caloocan City.

Nahaharap sa kasong frustrated homicide si Efren Donaire, 47, ng Brgy. 138 ng nasabing lungsod, makaraang saksakin nito si Sonny Lingon, 27, may asawa ng Brgy. 139, Caloocan City, na nagtamo ng malalim na sugat sa kanang bahagi ng tiyan.

Ayon report ng pulisya, alas-11:20 Sabado ng hatinggabi, himbing na natutulog sa garbage truck si Donaire na nakaparada sa kahabaan ng General Tino Street corner Loreto Street, Brgy, 85 ng lungsod.

Nilapitan siya ni Lingon at ginising upang manghingi ng barya pambili ng yosi.

Dahil naalimpungatan sa sarap ng pagtulog, nabuwisit ang suspek at kinuha ang dalang patalim saka tinarakan ang kasamahan.

Sakto namang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Caloocan Police at inaresto si Donaire, habang isinugod sa Manila Central University Hospital si Lingon. (Orlan Linde)

Leave A Reply

Your email address will not be published.