Abante Tonite Interactive

Garbage crisis

400

Sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Ecolo­gical Solid Waste Ma­nagement Act, pinapatawan ng mula P300 hanggang P500,000 ang sinomang lalabag sa batas mula sa pag-oope­rate ng open dumpsite, pag-manufacture at pag-import ng mga non-environmentally ­acceptable material at toxic waste.

Maaari ka ring ma­kulong mula isang araw hanggang isang taon kapag lumabag sa batas laban sa pagtatapon ng basura.

Sa bansang Australia, ang parusa sa mga indibidwal na mahuhuling iligal na nagtatapon ng basura ay umaabot ng hanggang P500,000 Australian dollars at kulong na hanggang apat na taon. Kapag korporasyon ang lu­mabag, hanggang $2 million ang multa.

Matindi ang pagpapahalaga ng gobyerno ng Australia laban sa pagtatapon ng basura dahil nagiging health risk ito at malaki rin ang ginagastos ng gobyerno sa paglilinis ng mga basurang iresponsableng dinis­patsa.

Kung ikukumpara natin sa Australia, malamya ang batas sa Pilipinas na nagpaparusa sa mga salaula. Baka kailangan mu­ling silipin ang ­batas kaugnay ng solid waste management at magpataw ng mas mabigat na parusa.

Kapag mu­ling pinag-aralan, ata­ngan na rin ng ­responsibilidad ng pamahalaan ang mga barangay official na siyang dapat sumuheto sa kanyang nasasakupan at tiyakin na nakasusunod sa mga panuntunan ang kanilang komunidad. Ang barangay ang first line of defense. Malaking bulto ng basura ay dinidispa­tsa ng mga informal settler, mga iskuwater. Kapag merong salaula na nahuli, papanagutin din si kapitan para matiyak na hindi na ito mangyayaring muli.

Malaki na ang ginagastos ng gobyerno sa mga informal settler. Maliban sa conditional cash transfer, relocation site para mabigyan sila ng di­senteng pabahay, pati basurang iresponsa­bleng itinatapon nila ay ginagastusan ng gobyerno para hakutin at linisin.

Kadalasan nasasa­lanta ng mga pagbaha dahil sa mga basurang bumabara sa mga estero ay ang mga taxpa­yer na nagbibigay ng subsidiya sa kanila. Baka naman puwedeng makiusap sa inyo si Juan Pasan Cruz, huwag niyo namang salaulain ang kapaligiran para patuloy kayong ma­sustentuhan ni Juan.

Mas mabigat na parusa ang ipataw sa malalaking kompanya na walang waste water management facility. Mga importer ng basura ng ibang bansa na inaangkat para lang sila ay ­kumita ng pera at ang bansa ay maperwisyo. Sa ngayon, P10,000 hanggang P500,000 lamang ang multa. Ang malakihang pagtatapon ng basura ay dapat na ituring na heinous crime.

Meron nang ma­tinding pangangaila­ngan para protektahan ang kalikasan.
Kinakapos na tayo ng supply ng tubig. Hindi natin lubusang mapakinabangan ang ating mga bukal dahil malaki ang posibilidad na kontaminado na ito ng katas ng mga basurang walang pakundangan nating itinatapon. Ang yelo sa mga malalamig na lugar ay unti-unti nang natutunaw. By 2025, nasa 25 metro ang tinatayang itataas ng tubig sa karagatan. Huwag na nating dagdagan ng basurang babara sa ating mga kanal ang hindi na maiiwasang problema na mabura sa mapa ang mga mababang lugar.

Merong kasabihan na nasa huli ang pagsisisi. Gustuhin man natin o hindi, ang pagpapahalaga sa environmental protection ay isang bagay na hindi na natin maiiwasan. It’s now or never. Kung hindi mo ito pipiliin, literal ka nang magbilang ng panahon ng itatagal ng sangkatauhan sa mundo.