Abante Tonite Interactive

Garin handang harapin ang kaso

317

“Haharapin ko ito nang buong tapang at walang takot dahil alam natin ang katotohanan.”

Reaksiyon ito ni dating Health Secretary at IloIlo Rep. Janette Garin matapos na irekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya at siyam na iba pang opisyal kaugnay sa pagkamatay ng mga nabakunahan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon kay Garin, bagama’t hindi pa niya natanggap ang resolus­yon, nakahanda na umano siyang haharapin ito.

Tinukoy pa ng lady solon na pitong kaso na umano ang naunang isinampa sa kanya ngunit anim dito ay nadismis dahil sa kawalan ng basehan.

Giit pa ng solon na pinatunayan na umano ng siyensiya na walang namatay nang dahil sa Dengva­xia vaccine sa halip halos buong mundo ay gamit ito hanggang ngayon.

“Hustisya bang matatawag na hayaan nating mamatay ang ating mga kababayan sa mga sakit na may gamot/bakuna naman? Kung ganoonman, sino ang sisingilin natin sa mga namatay sa dengue nang tanggalin ang bakuna sa bansa? Sino ang sisingilin natin sa mga namatay dahil sa tigdas at mga nagkaroon ng polio dahil natakot sa bakuna?” tanong pa ng kongresista.

Dagdag pa ni Garin, sa dami umanong problema at isyu sa bansa, pilit pa rin umanong binubuhay ang mga kasong walang basehan para manggipit lang at para pagtakpan ang mga mas importanteng usapin. (Eralyn Prado/JC Cahinhinan)