Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gary aminadong nainggit kay Martin

0 246

NI: ARCHIE LIAO

Sa online talk show na Toni Talks, nakapanayam ni Toni Gonzaga ang singer-composer at actor na si Gary Valenciano.

Napag-usapan ang early beginnings ni Mr. Pure Energy bago pa siya naging OPM icon.

Aniya, noong bata pa raw siya, mahilig na raw siyang umawit dahil madalas ay tinatawag siya ng kanyang ina para kumanta.

Pilyo rin daw siya bilang isang bata.

Sa edad na 14 ay na-diagnose raw siya na merong diabetes.

Binigyan daw noon ng taning ng doctor ang kanyang mga magulang na sa kaso niya ay ang karaniwang life span ay hindi umaabot ng 30 anyos.

Pero, na-survive raw niya iyon with God’s grace.

Noong nagsisimula raw naman siya, marami rin daw siyang pagsubok na pinagdaanan.

Nag-guest daw siya noon sa show ni Ronnie Henares pero muntik na raw itong makansela dahil nagkaroon ng aberya ang voiced recording na dala niya.

Atat pa naman siya noong mag-perform sa show ni Pops Fernandez dahil crush daw niya ito.

Noong nag-hit daw ang kanyang single na “Di Na Natuto”, ito raw iyong panahon na nagkaroon siya ng matinding insecurity.

Aminado rin siyang na-insecure siya kay Martin Nievera dahil sunod-sunod ang hit songs nito na para sa kanya ay dapat niyang tapatan kundi man mahigitan.

Crucial din daw sa career niya ang taong 1995 kung saan kasagsagan ng kanyang kasikatan.

Dito raw napabalita noong nakabuntis siya sa asawang si Angeli Pangilinan.

Naging turning point din daw ito sa kanyang buhay dahil kailangan niyang magdesisyon kung karera o ang pamilya ang kanyang pipiliin.

Pinili raw niya noong panindigan ang anak niya sa misis at hindi raw naman siya nagkamali.

Ang pinangangambahan niyang pagkalaos o pag-iwan sa kanya ng fans ay hindi raw nangyari dahil sinuportahan pa raw siya ng mga ito ang kanyang sold out concerts sa kabila ng lahat.

Naging makulay din ang kanyang buhay dahil namayagpag ang kanyang career hindi lang sa pelikula kundi pati sa telebisyon.

Ang brother-in-law daw niya noon ang naging daan para mabuksan ang kanyang mga mata at tanggapin ang Diyos as his personal Saviour.

Ang taong 2018 daw ang pinakamatinding taon ng pagsubok sa kanyang buhay.

Dito raw siya nag-undergo ng heart bypass pagkatapos na ma-diagnose na 95% ng kanyang coronary arteries ay barado na pinalala pa ng kanyang diabetes.

Pagkatapos daw ng humigit-kumulang na dalawang buwan, natuklasan naman daw ng kanyang mga doctor na may cancer siya sa kidney kaya wala siyang choice kundi ipatanggal ang naturang bahagi ng kanyang katawan.

Naging daan daw ang life-changing experiences na iyon para mas mapalapit siya sa Diyos.

Nakita rin daw niya ang purpose niya sa buhay sa pamamagitan ng spiritual songs na kanyang ibinabahagi.

Katunayan ang awitin niyang ‘Take me out of the Dark’ ay hindi lamang umano niya kinakanta dahil ito raw mismo ang kwento ng kanyang buhay.

“That’s why whenever I do ‘Take me out of the dark,’ it’s never a performance. I’m speaking based on experience, I’m singing based on truth that I wanna share with others because it’s meant to be true in other people’s lives as well,” aniya.

Si Gary V. ay itinalaga rin bilang kauna-unahang Asyano na ambassador ng Pray.com, ang highest grossing religious app of all time.

Leave A Reply

Your email address will not be published.