Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gasgas o sunog

0 98

Sa dinami dami ng karamdaman, ganoon din kadami ang maaring gamot, remedyo o treatment. Kabilang dito ang mga aksidente. Sa mga aksidente, madami ang maaaring mangyari mula sa mga sugat, hanggang sa magkaproblema sa kasukasuan, o di kaya mabalian. Ang tanong sa atin ngayon ay tungkol sa isang magina na sa kasawiang palad ay naaksidente. Binangga ang kanilang sasakyan. Kalong kalong niya ang kanyang 5 taong gulang anak at nakasakay sila sa harapan nung nangyari ang aksidente. Dahil dito, tumama ang kaliwang mukha ng kanyang anak sa dashboard kaya nagasgas ito. Wala naman daw gaanong ibang nakikitang sintomas. Makalipas ang dalawang araw pa ito napatingin at maliban sa gamot para sa pamamaga at kirot, binigyan din ng pamahid na burn ointment. “Hindi naman nasunog ang balat sa pisngi, nagasgas nga, bakit para sa sunog ang ibinigay?”

Bago natin pagusapan ang tanong tungkol sa gasgas, ay gusto ko lang sana bigyan ng pansin sa simula pa lang bago maaksidente sila. Kalong kalong niya ang anak niya. Dito ang isang car seat ay nagkakaroon ng kahalagahan. Kung may car seat ang sasakyan, mas nakaupo ng kumportable at mas mahalaga ay naka secure sa pamamagitan ng seat belt ang bata. Sa anumang aksidente, hindi ito titilapon. Higit sa lahat, hindi dapat iniuupo ang bata sa harapan ng sasakyan, dahil mas madaming posibilidad na magkakumplikasyon kung maaaksidente nga, dapat sa likuran. Kung gustong kalungin ang bata, pareho dapat sila sa likuran.

Ngayon, ang gasgas ay tinatawag na abrasion. Nagkakaroon ng damage ang superficial layer ng balat, ang epidermis. Hindi naman basta basta ito dumudugo, lalo na kung talagang mababaw ito. Madalas hindi naman ito nagpepeklat, maliban na lang kung malalim lalim ang naapektuhang lugar. Ito ay nagmumula sa pag galos ng balat sa isang hindi makinis na lugar. Ang dapat gawin kapag nagasgas, ay agad linisin ng sabon at tubig ang parteng apektado, pwedeng lagyan ng petroleum jelly o mag antibiotic creams. Kung nasalugar na nakalabas at di natatakpan ng damit, maaring lagyan ng dressing at palitan ito kahit minsan sa maghapon. Kung sakaling papagaling na, huwag kutkutin ng di lumalim ang sugat at manumbalik ang malasutlang balat.

Isa sa mga maaaring ipahid ay burn ointment o ang generic ay silver sulfdiazine. Nagiginhawahan ang sugat mula sa init ng pamamaga nito at ang silver ay isang panlaban sa bakterya. Ang gasgas ay nagmimistulang partial thickness burn kaya pwede ito ang gamitin.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pinakaimportante ay kapagnaaksidente, agadagarang ipatingin para maeksamin ang buong katawan. Sa ganitong pamamaraan, maiiwasan natin ang kumplikasyon. Kung minsan ay kahit na gaano kaingat tayo, may iba naman na hindi. Kaya maging alerto sa paligid at magingat pa din.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.