Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gasolina, diesel, LPG may taas presyo

0 246

Nakaamba ang panibagong pahirap sa mga motorista at consumer pagpasok ng buwan ng Marso dahil sa muling pagtataas sa presyo ng petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG).

Sa pagtaya ng mga kompanya ng langis, inaasahan ang dagdag presyo sa kada litro ng gasolina ng mula 95 sentimo hanggang P1.05, 70 hanggang 80 sentimo sa diesel at 60 hanggang 70 sentimo sa kerosene.

Ito na ang ika-limang sunod na linggong pagtaas sa presyo ng gasolina habang ika-apat na linggo naman sa diesel at kerosene.

Kaugnay nito, inaasahan din ang panibagong pagtataas ng halaga ng LPG at maging ng auto LPG simula sa Lunes, Marso 1.

Batay sa pagtaya ng mga dealer at kompanya ng langis, tataas ng mula 50 sentimo hanggang P1.00 kada kilo ang presyo ng LPG na katumbas ng halagang P5.50 hanggang P11.00 kada isang tangke ng cooking gas na tumitimbang ng 11 kilo.(Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.