Abante Tonite Interactive

Gasoline station sa Muntinlupa hinoldap

By
206

Higit sa P30,000 cash ang natangay mula sa isang gasoline station sa Alabang, Muntinlupa City matapos holdapin ng riding-in-tandem kahapon nang madaling-araw.

Ayon sa ulat ng Muntinlupa City Police, dakong ala-1:05 ng madaling-araw nang salakayin dalawang suspek na magka-angkas sa motorsiklong walang plaka ang gasolinahan ng Petron sa kahabaan ng National Road, Brgy. Alabang nang nasabing lungsod.

Base sa ulat, habang naghihintay ng kostumer ang pump attendant na si Mark John Ramiro nang dumating ang mga suspek at tinutukan siya ng baril saka nagdeklara ng holdap.

Inutusan si Ramiro na pumasok sa cashier’s booth hanggang sa tinangay ng mga suspek ang nasa P37,000 cash at isang Vivo Y55 na nagkakahalaga ng P8,000 na pag-aari ng isa pang pump attendant na si Reymel Ryan Jose.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos makuha ang pakay.

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang mga footage­ ng closed-circuit television (CCTV) na nakakabit sa gasolinahan para matukoy ang mga suspek.