Abante Tonite Interactive

Gawing permanente ang 4Ps

By
209

Nagtatrabaho po ang inyong People’s Mino­rity Leader sa House of Representatives. Giit ko sa plenaryo, gawin nang permanente ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ang 4Ps ay isang pambansang programa ng gobyerno para sa kaunlaran ng tao sa pamamagitan ng pagkakaloob ng cash grants sa pinakamahihirap na pamilya sa buong bansa.

Pangunahing layunin nito na mapabuti ang kalusugan at edukasyon ng mga bata at kabataan edad 0 hanggang 18 upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan.

Nakatutulong din ang programa sa pagsugpo sa matinding kagutuman at kahirapan; pangangalaga sa mga buntis; pagsusulong ng gender equality; at pagbaba ng bilang ng child mortality.

Mas pinalakas at pinalawak sa ilalim ng administrasyon ni da­ting Pangulong Noynoy Aquino, ang 4Ps ay napakikinabangan sa kasalukuyan ng hindi bababa sa 20 milyong Filipino na nabibilang sa aabot sa limang mil­yong tahanan. Ang numero ay katumbas ng 20% ng buong populasyon o halos lahat ng mahihirap.

Napakalaki ng impact ng serbisyo. Unang­-una, nagbibigay ito ng pag-asa!

Base sa isang pag-aaral ng World Bank, naniniwala ang 87% ng mga magulang na may 4Ps na gaganda ang sitwasyon nilang mag-anak at aasenso ang buhay ng kanilang mga anak. Ang mga padre de pamilya ay determinado namang makahanap ng trabaho o kaya’y makapagsimula ng kahit isang maliit na negosyo.

Pagdating sa edukasyon, nabebenepisyuhan ng 4Ps ang mahigit 10 milyong bata at kabataan (dalawang mil­yon dito ang nasa high school).

Halos universal o 98% ang school enrollment sa elementary ng mga batang galing sa pamilyang 4Ps.
Higit sa lahat, ang mga bata ay hindi na napupuwersang magtrabaho para kumita lang. Ayon sa pag-aaral, nababawasan ng pitong araw sa isang buwan ang child labor days sa mga tahanang 4Ps.

Sa kalusugan naman, lumiit ang bilang ng maternal mortality sa nakaraang limang taon dahil sa ospital o lying-in na nanga­nganak ang maraming nanay at mas nakakakain na ng kanin ang mga 4Ps beneficiary kung kaya mas malusog na sila.

Lumilitaw na isang malakas na sandata ang 4Ps kontra kahirapan. Sinasabi na dahil dito ay nababawasan ng 1.5 milyon ang mahihirap taon-taon.

Mainam na isabatas na ang 4Ps, i-institutio­nalize na ito para ma­ging pangmatagalang parte na ito ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan na siguradong popondohan.

Kapag naging batas na ang 4Ps, wala nang sinumang makakabawi nito at hindi na rin magiging kasangkapan lang ito sa laro ng mga politiko.