Abante Tonite Interactive

GCTA Scam witness tinumba

1,268

Patay ang isang abogado ng Bureau of Correction (BuCor) nang tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin habang nagmamaneho ng pick-up van sa Muntinlupa City kahapon ng hapon.

Sanhi ng apat na tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo ay namatay noon din ang biktimang si Atty. Frederick Anthony Santos, dating chief legal officer ng BuCor.

Sa inisyal na report, ala-1:50 ng hapon nang maganap ang pananambang sa Katihan Road sa Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod. May 100 metro lamang ang layo nito sa entrada ng BuCor compound.

Sakay ang biktima ng itim na Toyota Hilux pick-up van (AAN-7158) at susunduin umano ang anak na babae sa Southernside Montessori School nang ito’y ratratin.

Siniguro ng mga salarin na patayin si Santos dahil pinaulanan din ng bala ang sasakyan nito.

Duguang napahiga sa driver at passenger seat ang opisyal.

Hindi naman batid kung anong uri ng sasakyan ang ginamit ng mga salarin.

Sa pagsisiyasat ay hindi rin gumagana ang tatlong CCTV sa paligid ng crime scene. May nakita ring dashcam sa kotse ni Santos ngunit wala umanong laman na video footage.

Anomalya sa Bilibid pinasingaw

Base sa rekord, inamin noong Setyembre 2019 ni Santos sa hearing ng kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa Senate Blue Ribbon Committee na lahat ay nababayaran sa New Bilibid Prisons (NBP) at may umiiral na ‘code of silence’.

Ang abogado rin ang umamin na halos 2,000 inmate ang napalaya ng BuCor mula noong 2013 sa ilalim ng GCTA Law.

Minsan ring nalagay sa kontrobersiya si Santos nang tanungin ni Senador Panfilo Lacson sa isa sa mga hearing sa Senado kung gumagamit siya ng iligal na droga at nakikipag-jamming sa mga drug convict na kanyang itinanggi.

Lumutang naman ang usapin hinggil sa GCTA sa naudlot na paglaya ni dating Calauan Laguna ­Mayor Antonio Sanchez sa New Bilibid Prison (NBP).

Matapos mabunyag ang pagpapalaya kay Sanchez, tinambangan din si Non Uniformed Personnel (NUP) Ruperto Traya Jr., 53, Chief Administrative Officer 3 ng Bucor.

Rubout?

Naniniwala naman si Senador Richard Gordon na ‘rubout’ ang nasabing insidente.

“Ang pananaw ko dito, susunduin niya ang anak niya, inabangan siya para patayin at paglabas niya sa eskuwela, binanatan siya sa loob, walang takot ang mga taong ito, it is a rubout,” pahayag ni Gordon sa panayam kahapon ng mga reporter. “It is a warning to all na kapag ikaw ay may nalalaman at nagsalita kaya ka namin patayin, lahat ng pinatay sa Munti walang naso-solve,” dagdag pa nito.

Si Santos ay sinuspinde ng Office of the Ombudsman noong Setyembre kaugnay ng kontrobersiya sa diumano’y maling paggamit ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Kinondena ng Palasyo

Kinondena naman ng Malacañang ang pana­nambang.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pane­lo na tiyak na nag-iimbestiga na ang mga awto­ridad para matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen at kung ano ang motibo sa pagpatay sa dating opisyal ng BuCor.

“We condemn any act of violence. palagi kaming ganyan. as a matter of policy we condemn all transgressions of law, any violations inflicted against any persons, any murder we condemn all.

But we want to investigate what happened to him,” ani Panelo.

Iba pang opisyal may death threat

Samantala, kinumpirma naman ni Major­ Gabriel­ Chaklag, tagapagsalita ng Bureau of Correction­ (BuCor) na maraming mga opisyal at kawani rin ang nakakatanggap ng death threat.

Ayon kay Chaklag, malaki ang kanyang pani­niwala na ang pagpaslang kay Atty. Santos ay may kaugnayan sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

“Halos lahat po kami dito opisyal man o kawani ay nakakatanggap ng pananakot sa buhay at ito po ay hindi maialis ito ginagawa lamang po namin ang aming tungkulin” ani ni Chaklag.

Sinabi pa ng opisyal, na kasalukuyan suspendido si Santos bilang legal chief ng BuCor ngunit inaasahang babalik ito sa Marso 12.

Ayon naman kay Gordon, si Santos ay pang-15 kawani o opisyal ng BuCor na nasawi sapul noong 2011. (Armida Rico/Dindo Matining/Aileen Taliping/Prince Golez)