Abante Tonite Interactive

Gen. Bato nag-sorry sa ingrato

By
11

“Pasensya, nabigla lang ako dahil sa emosyon.”

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa matapos tawaging ‘ingrato’ o walang utang na loob ang mga kritiko ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, dahil sa emosyon, nabigla lamang siya sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag sa nakalipas na araw at inamin na nasaktan ito sa mga kritiko na patuloy na bumabatikos sa kampanya ng PNP laban sa iligal na droga.

Abante Hiring – IT dep

“Tao lamang po ako na may pakiramdam at nasasaktan, normal lamang na mainis ako kaya humihingi ako ang pasensya sa mga tinamaan ng aking pagtawag ng ingrato,” wika ni Dela Rosa.

Iginiit ni Dela Rosa na napapakinabangan na ngayon ng publiko ang resulta ng war on drugs ng PNP dahil sa pagbaba ng mga krimen gaya ng snatching at robbery.

Idinagdag pa ni Dela Rosa na hindi siya isang pulitiko na nagpapa-cute kapag nagsasalita kaya hindi nito kayang isikreto ang anumang kanyang nararamdaman.

Magugunitang umani ng mga batikos ang “ingrato” na pahayag ni Dela Rosa dahil hindi umano nito dapat isumbat sa publiko ang resulta ng war on drugs dahil trabaho ng mga ito bilang pulis na panati­lihin ang kaayusan at kapayapaan sa buong bansa.