Abante Tonite Interactive

George, Thunder ninakawan

By
0 154

Ninakawan ng panalo ng Indiana Pacers si Paul George at ang Oklahoma City Thunder 108-106 Huwebes ng gabi.

Umiskor ng 36 si George laban sa dating team pero sa kanya din nanggaling ang error sa dulo na nagresulta sa pagkasilat ng Thunder.

Wala si Victor Oladipo, binitbit ni Domantas Sabonis ang Indiana sa kinamadang 26 points mula 12 shots off the bench para talunin ang dating team. Sina Oladipo at Sabonis ang nakuha ng Pacers nang i-trade si George sa Thunder noong 2017.

Umahon ang Pacers (44-25) mula 19-point deficit para kumapit sa third ng Eastern Confe­rence sa likod ng Milwaukee (51-17) at Toronto (49-20). Dumausdos ang Thunder (42-27) sa fifth sa West.

Sa final 2 minutes, umiskor ng limang sunod si George nang atakehin one-on-one si Bojan Bogdanovic para iabante ang OKC 106-104.

Itinabla ni Sabonis ang laro 57 seconds na lang, muling binigay ng Thunder ang bola kay George. Pero sa pambubulabog ni Wesley Matthews ay dalawang beses nawala sa kamay ni George ang bola bago na-out of bounds.

Hindi nakumpleto ni George ang pambawi nang agawin ang pasa ni Bogdanovic, dahil mabilis ding ninakaw ni Darren Collison ang pasa ni George kay Russell Westbrook.

Mintis ang tira ng Pacers, binalik ni Matthews ang bola sa rim at two-point lead ng Indiana 1.8 seconds na lang.

Nakapagpakawala pa si Westbrook ng 3 pero tumalbog sa rim ang bola, hindi na pumasok pagbagsak.

Nagsumite si Westbrook ng 19 points, 14 rebounds at 11 assists para sa 27th triple-double ngayong season at 131st ng career.
Tumapos ng 16 points at 7 rebounds si Matthews, pinapirma ng Indiana noong isang buwan kahalili ni Oladipo na out na sa season dahil sa right knee injury.