Abante Tonite
Mabilis sa Balita

GERD nga ba talaga?

0 54

Kamakailan ay nagkaroon tayo ng pasyente na nagtatanong kung paano matutulungan sa kanyang GERD. May katagalan na ito, at halos 2 taon na niyang iniinda at hinahanapan ng pagkakataong makapag pa endoscopy dahil ito ang nirekomenda ng kanyang doktor sa probinsya na hindi pa nagagawa kaya hindi pa sya gumagaling. Ito ang dahilan kung kaya’t inilapit sa ating klinika para humingi ng tulong.

Para sa kaalaman ng ating mga readers, ang GERD o GastroEsophageal Reflux Disease ay isang karamdaman na nagkakaroon ng pananakit ang sikmura. Ito ay sa dahilang ang asido na normal na nasa tiyan para matunaw ang ating mga kinain, upang mametabolismo ito ng mabuti, ay napupunta sa esophagus. Hindi kaya ng lining nito ang tapang ng mga asido kaya mabilis maapektuhan at tuluyang kumirot. Kadalasan nangyayari ito sa dugtungan ng esophgaus at tyan.

Ito ay maaaring mapigilan sa pamamagitan ng small frequent feedings. Ibig sabihin ay hindi masyadong kakain ng madami para hindi sobra sobra ang labas ng asido sa tyan. Kasabay nito ay palaging may laman ang tyan upang hindi manatili ng matagal ang asido na walang tinutunaw at nilulusaw. Dito nag mumula ang posibilidad na magka ulcer at mabutas ang tiyan. Iwasan ang mga pwedeng makadagdag sa karamdaman tulad ng nakalalasing na inumin at paninigarilyo. Ang paginom ng full cream milk ay makakalala dahil sa fat content nito, ngunit ang low fat milk ay makakatulong sa kalagayan. Huwag hihiga pagkakain at maaaring medyo maglagay ng mataas taas ng unan para hindi derecho sa higaan.

Para makumpirma ang kundisyon na ito, gastric endoscopy o gastroscopy ang ginagawa. Ipinapasok mula sa bibig ang scope na may kamera papunta sa tyan na dadaan sa esophagus. Makikita ng mabuti ang kundisyon kung may mga anomalya sa dinadaanan ng pagkain. Isa lamang itong diagnostic procedure at hindi ibig sabihin ay gagaling na sa GERD.

SM food to go Banner Ad

Ngunit balikan natin ang ating pasyente. Nang makita natin ay medyo malamya, masama pakiramdam at mahina, nananakit ang ulo at hindi makakain ng mabuti. Ang pangunahing mga problema ay dehydration, posibleng may malnutrisyon at sa panahon ngayon ay kailangan matest kung may covid. Hindi dinadaing ang pananakit ng tyan. Kaya kahit na matagal na tinutugunan ang GERD, hindi ito ang pangunahing prayoridad. Dito kinakailangan talagang maeksamin ng mabuti para unahin ang tunay at kasalukuyang problema.

Sa kaniyang kundisyon, kinakailangang malaman ang blood counts, lebel sa dugo ng asukal, electrolytes, kalagayan ng kideys at atay. Maaaring umpisahan ng swero para magakatubig ang katawan at pati nutrisyon na din. Kung sakaling umayos ang kaniyang kundisyon, saka na lang maaaring gawin ang iba pang procedure tulad ng gastroscopy kung kailangan pa niya nito.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Be vaccinated and boostered!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.