Abante Tonite Interactive

German Hossein Ensan bagong hari ng poker

203

Matapos ang dalawang linggo ng umaatikabong aksyon sa World Series of Poker (WSOP) Main Event, kinoronahan si Hossein Ensan ng Germany bilang bagong hari sa mundo ng poker.

Tinalo ni Ensan sa heads up si Dario Sammartino ng Italy para makuha ang prestihiyosong Main Event bracelet na may naka-emboss na “50” bilang simbolo ng ika-50 anibersaryo ng WSOP. Naiuwi rin ni Ensan ang top prize na $10,000,000 habang naibulsa naman ni Sammartino ang runner-up prize na $6,000,000.

Si Ensan ang ikalawang poker player mula sa Germany na nagwagi sa Main Event, sunod kay Pius Heinz na nanalo noong 2011. Siya rin ang ikatlong Iranian-born winner sa Main event pagkatapos nina Monsour Matloubi noong 1990 at Hamid Dastmalchi noong 1992.

Abante Hiring – IT dep

Tangan na ni Ensan ang liderato papasok sa final table at lalo niyang pinalaki ang kanyang chip lead hanggang sa tatlo na lamang silang natira sa lamesa. Kahit pagsamahin ang chips ng sumesegundang si Alex Livingston (120,400,000) ng Canada at ni Sammartino (67,600,000) ay lamang pa rin si Ensan (326,800,000) papasok sa huling araw ng laban.

Pero naging aktibo agad si Livingston sa final day at kagyat na inagaw ang liderato kay Ensan. Hindi rin naman nagpahuli si Sammartino na naka-double up kay Livingston at sa kalagitnaan ng final day ay nakuha pa ang chip lead. Katunayan si Sammartino pa ang chip leader bago ma-eliminate ni Ensan si Livingston na nakuntento sa $4,000,000 premyo.

Sa heads up ay maaga ring umalagwa si Sammartino matapos ma-dominate ng kanyang two pairs ang two pairs din ni Ensan. Pero unti-unting nakabawi si Ensan hanggang sa ika-101 hand ng heads up ay tuluyan nang tumulak at naubos si Sammartino.

Sa susunod nating kolum ay ibabahagi natin ang pinagdaanan ni Ensan bago maging world champion sa poker.