Abante Tonite Interactive

German nag-amok, nanuntok ng pulis sa presinto

436

Diretso sa National Center for Mental Health (NCMH) ang isang Deutsch/German national na pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip nang manakit ng mga pulis at magwala sa loob ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) kamakalawa sa MPD Headquarters sa Maynila.

Nabatid na ipinagbigay-alam na kahapon ng MPD-GAIS sa German Embassy ang tinuran ng dayuhang si Peter Batram, nanunuluyan sa Space Taft condominium sa Ermita, Maynila.

Hiniling ng MPD sa NCMH sa pamamagitan ni PSSG Kaiser Mijares na pagkalooban ng medikal na atensiyon ang dayuhan. Una itong inaresto ng MPD-Station 5 at nai-turn over sa MPD-GAIS kaugnay sa reklamong paglabag sa Article 308 (theft) nang itak­bo nito ang cellphone ng isang Czaravich Manaois, 18-anyos, estudyante ng Emilio Aguinaldo College at okupante rin ng nasabing condo, noong Peb. 19, 2020 alas-4:30 ng madaling-araw sa lobby ng condo.

Nang isailalim sa inquest proceedings noong Pebrero 20, dito na nagtangkang tumakas ang dayuhan at nang pigilan ay sinapak si Mijares na ikinabasag ng suot nitong eyeglasses.

Habang iniimbestigahan sa loob ng GAIS, pinagta­tadyakan ni Batram ang mga upuan. Nang awatin ng mga pulis, kanya rin itong pinagtatadyakan. (Juliet de Loza-Cudia)