Abante Tonite Interactive

Gf naaktuhan ng pulis na may ibang katabi sa kama

1,136

Sobrang sakit ang inabot ng isang pulis-Maynila matapos maaktuhan ang nobya na may katabi sa higaan at nabaril pa sa hita ng ‘third party’ kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Nasa maayos nang kondisyon sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang nakatalaga sa Manila Police District-Police Station 7, sa J. Abad Santos Avenue, Tondo.

Habang nakilala naman ang suspek sa pamamaril na si Geraldo, driver, may live-in partner, at taga-Tondo.

Naganap ang insidente sa Road 10, Tondo pasado alas-dos ng madaling-araw.

Nalaman na nagtungo umano ang biktima sa bahay ng nobya, na sinasabing live-in partner nito subalit nasorpresa nang datnan umanong katabi sa pagtulog ang suspek.

Sa pagkabigla at galit na naramdaman ay binunot ng pulis ang baril at tinangkang paputukan si Geraldo pero nagmintis.

Naagaw naman ng suspek ang baril sa pulis kung saan nabaril nito ang biktima.

Mabilis na nakatakas ang suspek habang isinugod sa pagamutan ang biktima. (Juliet de Loza-Cudia)