Abante Tonite Interactive

Gf todas, bf naputulan ng paa sa motorsiklo

GF TODAS, BF NAPUTULAN NG PAA SA MOTORSIKLO

0 662

Nauwi sa malagim na sakuna ang pagtatalo ng magdyowa habang sakay sa motorsiklo makaraang bumangga ang mga ito sa jeep at sumalpok pa sa tricycle na ikinasawi ng babae at ikinaputol naman ng paa ng kanyang lover sa Brgy. Taculing, Bacolod City.

Sa report, base na rin sa pahayag ng ilang saksi, bago ang aksidente ay sinundo umano ni Aran Aungon ang kasintahang si Lindsay Labiga, taga-Isabela, Negros Occidental, na noo’y kagagaling lamang sa Christmas party sa pinagtatrabahuhang insurance company sa Bacolod kaya’t hindi ito nakauwi agad.

Sinasabing habang nasa biyahe ay nagtalo ang dalawa. Malakas umano ang pagsasagutan ng mga ito habang mabilis ang takbo ng motorsiklo hanggang pagdating sa intersection ng Hernaez St., at Corazon Aquino Avenue ay bumangga ang kanilang motorsiklo sa tumatawid na jeep bago bumangga sa kasalubong na tricycle.

Sa lakas ng impact dahil na rin sa tulin ng motorsiklo ay nahulog si Labiga at grabeng napinsala ang ulo nito dahil na rin sa kawalan ng suot na helmet na siya niyang ikinasawi.

Naputulan naman ng paa si Aungon na nabatid na wala ring suot na helmet.

Napag-alaman na sina Aungon at Labiga ay may 3-anyos nang anak kung saan nagdiwang naman kamakalawa ng kanyang ika-22 kaarawan si Labiga.