Abante Tonite Interactive

GFG-PH dragonboat squad nagningning sa China race

223

Isang linggo lang pagkasagwan ng dalawang gold medals sa DBS Marina Regatta sa Singapore, nag-uwi na naman ang Go For Gold-Philippine Dragonboat Team ng pares ng golds sa isang mataas na uri ng kompetisyon sa China.

Pinamayagpagan ng Pilipino paddlers mula sa Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation ang 500m at 250m small boat open category sa kapapalaot na prestihiyosong 2019 Beijing International Dragonboat Tournament kung saan sumabak ang best under-23 teams ng China.

Nagposte ang Nationals ng 2 minutes at 30.85 seconds sa 500m sa paggulantang sa Chinese squads Dubula (2:39.88) at Beijing Fuxing Dragon Warriors (2:41.12) makaraang mapagtagumpayan ang 200m (1:10.56) sa pagdomina sa hagaran.

Umangas si assistant team captain Ojay Fuentes, nagdiwang ng kanyang 20th birthday nitong Huwebes nang manalo ang mga Pinoy, at nakakuha ng solidong suporta sa crew na sina Archie Baylosis, Kim Gabriel Baylosis, Daniel Ortega at Roberto Pantaleon sa 500m.

“Resulta po ito ng lahat ng pagpupusige namin sa training. Gagawin po namin lahat para magtuloy-tuloy ito hanggang sa SEA Games,’’ bulalas ni Fuentes.
May kontribusyon din sa tagumpay sina seasoned paddler Norwell Cajes na kasangga sa 200m sina Leo Jane Remarim, Jonathan Ruz, John Paul Selencio, Jerome Solis, drummer John James Pelagio at helmsman Christian Burgos.