Abante Tonite Interactive

Gideon Galpo kampeon sa PPT

204

Binabati natin si Gideon Galpo sa kanyang panalo sa Philippine Poker Tournament (PPT) na nagtapos noong Lunes (Pebrero 4) sa Metro Card Club sa Ortigas.

Inabot ng walong oras ang final day ng torneo kung saan nagtagisan ng galing ang natitirang 18 players. Maagang naka-double up si Galpo at the expense of chip leader Izutsu Shjiro sa simula ng huling araw ng laban at dumiretso na ang suwerte para sa kanya.

Angat na si Galpo pagpasok sa final table at sa heads up nila ni Jester Intia ay halos doble ang kanyang lamang sa chips. Naibulsa ni Galpo ang top prize na P389,000 at nakakuha ng libreng upuan sa Mega Summer Event na nagkakahalaga ng P6,500.

Nagkaroon ng deal nang may tatlong players na natitira kaya mas malaki ang naiuwi ng third placer na si Danvic Ruiz (P340,000) kaysa kay Intia (P230,000).

Noong nag-usap kasi sila ay angat ng malaki sina Galpo at Ruiz kaya may guaranteed sila na P350,000 at P340,000 habang si Intia ay P230,000 ang guaranteed na premyo. Bale P39,000 ang naiwan na dagdag para sa mananalo.

‘Yan ang mahirap kapag nakipag-deal ka. Madalas mangyari na mas malaki pa ang nakukuhang premyo ng mas maagang natanggal sa laban.

Hindi rin naman natin masisi ang mga player sa pakikipag-deal dahil mas gusto nila na hindi magkakalayo ang premyong nakukuha nila. Minsan kasi ay malaki ang diperensya ng premyo ng kampeon kumpara sa ibang nakapasok sa final table.

Mababago siguro ito kung babaguhin din ang prize structure. Ayun nga lang, pang-akit kasi ng mga organizer ‘yung malaking top prize dahil alam nila na ‘yun ang target ng mga sasali.