Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gierran dapat makinig kay Grace Poe

0 127

Malinaw ang marching order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong pinuno ng Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth, buwagin ang umanoý mafia sa loob ng state insurance firm.

Aminado si dating National Bureau of Investigation director Dante Gierran na hindi niya kapado ang trabaho sa PhilHealth. Tatlong dekada kasi siyang nagtrabaho sa NBI, una ay bilang line agent noong 1990 hanggang maging director noong 2016 at magretiro sa serbisyo noong Pebrero 2020.

Sa kabila nito, hindi dapat ito maging balakid para sa isang CPA-lawyer na si Gierran. Time is gold ika nga at kailangang simulan na niya ang kanyang trabaho na linisin sa katiwalian ang PhilHealth at maparusahan ang mga nagwawaldas sa pera.

Isa sa dapat pakinggan ni Gierran ay ang panawagan ni Senador Grace Poe na habulin at parusahan ang mga taong nasa likod ng kaliwa’t-kanang korupsyon sa PhilHealth. Sabi pa ng senadora, umaasa ang mga Pilipino na ang taong iluluklok sa state insurance firm ay may hindi matatawarang integridad at kakayanan para maipatupad ang makatotohanang reporma.

Talagang hindi sisiw ang trabaho sa PhilHealth dahil ayon pa kay Poe, hindi lang ang kalusugan kundi ang kayamanan ng sambayanang Pilipino ang kailangang bantayan ni Gierran lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Kapag syinapol ni Gierran ang mga kapit-tukong opisyal, swak ito sa naunang panawagan ni Poe na maisakatuparan ang tamang paglilinis sa ahensiya upang matiyak na hindi ito mabangkarote nang sa gayon ay mapakinabangan pa ng maraming mamamayan sa mga darating na panahon.

Hindi rin katanggap-tanggap na pagbitiwin na lamang sa puwesto ang mga opisyal na sangkot sa kurakutan. Giit pa ni Poe, kailangang habulin at parusahan ang mga corrupt na nagpabaya sa tungkulin. Ang pagnanakaw sa kaban ng bayan, aniya ay pagkakait sa ating mga kababayan ng kanilang karapatan sa maayos na serbisyong pangkalusugan.

Matinong opisyal lang ang kailangan sa PhilHealth para maisakatuparan ang reporma. Hindi na kailangan pang ibigay kay Pangulong Duterte ang emergency powers upang maisakatuparan ang paglilinis at pagpigil sa pagtagas ng pera ng national insurance firm.

May sapat nang kapangyarihan ang Pangulo para isakatuparan ang reporma sa ahensiya. Nakapagtalaga na siya ng matinong opisyal at ang kailangan na lang niyang gawin ay sundin ang inuutos ng Punong Ehekutibo at pakinggan ang panawagan mula sa Lehislatura, lalo na mula kay Senador Poe.

Leave A Reply

Your email address will not be published.