Abante Tonite Interactive

Gigil ni Stephenson nagresulta sa panalo

431

‘Di pa binibitawan ang tipoff sa opening match ng PBA Commissioner’s Cup, excited na si Alex Stephenson na maglaro laban sa Meralco.

Dating import ng Bolts si Stephenson sa parehong torneo noong 2017, inumpisahan ang kampanya ngayong taon na nasa kabilang bench na.

Ang Blackwater na ang dala ng 31-anyos na import.

Sa sobrang gigil na makaharap ang dating team, naubos ang enerhiya ni Stephenson at nakaanim na puntos lang sa first half.

“In the first quarter, I was very excited that I was losing energy, just being over-hyped playing against them, rushing shots,” aniya.

Nang kumalma, bumalik ang ritmo ng import, tumapos ng 21 points mula 9 of 20 shooting at nagbaba ng 31 rebounds para giyahan ang Elite sa 94-91 overtime win nitong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Nakuha rin ni Blackwater tactician Aris Dimaunahan ang una niyang panalo sa PBA bilang head coach. Pinalitan ni Dimaunahan, 41, si Bong Ramos bago ang midseason conference na ito.

Kung gigil si Stepheson, kinakabahan si Dimaunahan sa una niyang salang sa pros.

“Sa totoo lang, sobrang kinakabahan ako. Siyempre, this is the big league,” ani Dimaunahan, 26th pick ng Ginebra noong 2003 at nag­laro sa PBA hanggang 2011. “After ng opening tip, nawala naman.” (Vladi Eduarte)