Abante Tonite Interactive

Gilas handa na sa SEA Games

344

Naglabas na ng 12 man lineup si national coach Tim Cone para sa 30th Southeast Asian Games 2019 mens basketball na mag-uumpisa sa December 4 at unang kalaban ng Gilas Pilipinas ang Singapore. Dati-rati, ‘di natin pinapansin ang mga iba’t ibang koponan sa SEA Games o SEABA Men’s Championship. Sisiw lang sa atin sa matagal na panahon ang Indonesia, Malaysia, Singapore, Vietnam at Thailand. Lagi tayong nananalo sa event.

Mula 1981, nakakopo na tayo ng 17 medalyang­ ginto sa mens basketball, dalawa lang ang napanalunan ng Malaysia at ito’y nangyari noong 1979 at 1989. Ang biruan nga namin noon ay kahit isang high school team sa Pilipinas, kayang manalo sa SEAG.

Pero ‘di na ngayon. Magagaling na ang mga manlalaro ng mga kapitbahay natin sa Timog-Silangang Asya. ‘Di na puwedeng biru-biruin ang Malaysians, Thais, Singaporeans, Vietnamese at Indonesians. Ito ay dahil sa pagsulpot nang may isang dekada ng ASEAN Basketball League na sinasalihan din nila.

Katulad na lang ng Thais, walang manlalaro ang may taas na mababa sa six feet. Lahat over 6-foot-2 ang mga height. Biglang nagtaasan ang mga player din. Isang 6’9 na sentro si Chanatip Jakwaran, 6’8 na naglalaro sa Mono Vampire sa ABL si Teerawat Chanhatchong at magaling si Darumpong Apiromvilaichai na nasa liga rin.

Meron pa silang isang 6’7 at dalawang 6’6 na player. Sa huling lineup ng koponan, kumuha rin sila ng isang coach mula sa Estados Unidos na si Douglas Marty.

Ganundin ang Indonesia, Malaysia at Singapore na sumasabak din sa ABL.
Walang Indonesian na mababa sa 6 feet. Mayroon silang naturalized player na si Jamarr Johnson at 6’10 na si Firman Nugroho. Balitang kukunin din nila ang magaling na import ng PBA na si Lester Prosper na naglaro sa Columbian.

Kaya mapapalaban talaga ang Gilas.

Sana makahabol pa para sa atin si Greg Slaughter na napilayan sa daliri, pati sina RR Pogoy at Troy Rosario na may mga injury din.

Buti nariyan pa rin sina June Mar, Japeth Aguilar, Chris Ross, Christian Standhardinger at LA Tenorio, at siyempre mga tirador nating sina Marcio Lassiter at Matthew Wright.

Inaabangan din si Vic Manuel sa torneo. At siyempre, ang pagbabalik ni Tim Cone. Napakagaling sa preparasyon ni coach Tim. Kumpiyansa ako na maganda ang magiging resulta ng ating koponan.