Abante Tonite Interactive

Gilas unang tatalupan ang Singapore

226

Sisimulan ng Gilas Pilipinas ang kampanya sa ika-13 sunod na medalyang ginto kontra ­Singapore sa 5×5 men’s basketball sa iho-host na 30th ­Southeast Asian Games 2019 simula sa Disyembre 4, Miyerkoles, sa Mall of Asia Arena, Pasay.

Agad magpapahinga ang koponan bago nito sunod na sagupain ang Vietnam sa Biyernes, ­Disyembre 6 at ang Myanmar sa Sabado, Disyembre 7 para kumpletuhin ang group eliminations.

Lahat ng laro ng Gilas Pilipinas ay itinakda ng organizers sa ganap na alas-8:15 nang gabi.

Ang Indonesia na nilampaso ng ‘Pinas sa 2017 SEAG finals ang nasa Group B kasama ang bronze medalist Thailand, Malaysia at Cambodia.

Ang dalawang mangungunang koponan tapos ang group play ang mga tutuntong sa crossover semifinals sa Lunes, Disyembre 9. Ang dalawang magwawagi ang mga uusad sa labanan para sa gold medal sa Martes, Disyembre 10.

Ipapadala ng Pilipinas ang isang all-PBA team sa SEA Games na gigiyahan ni multi-titled coach Tim Cone. (Lito Oredo)