Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ginang binaril sa sasakyan

0 1,010

Iniimbestigahan na ng Cavite Police ang pagkamatay ng isang 58-anyos na ginang na binaril sa loob ng kanyang kotse sa isang bakanteng lote sa Bacoor City, Cavite, Sabado ng umaga.

Isang tama ng bala sa kaliwang sentido ang tumagos sa kanan ng biktimang si Ludivina Jarvis, hiwalay sa asawa, ng Barangay Salawag. Samantala, inaalam pa ang pagkakilanlan sa suspek na tumakas dala ang baril na ginamit matapos ang insidente.

Sa ulat ni P/SSgt. Marvin Rae Calaor ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-5:45 ng madaling-araw nagsasagawa ng roving inspection si Giovanni Tiapon ng Jericko Security Agency sa bahagi ng SOMO Alternate Road sa Barangay Molino 4 nang mapansin nito ang isang Mitsubishi Mirage Sedan na may plakang WOS 208 na nakatigil sa isang bakanteng lote sa lugar.

Nilapitan ni Tiapon ang nasabing sasakyan at sinilip ito kung saan nakita ang biktima na nakaupo sa driver’s seat, patay na at may tama ng baril sa ulo dahilan upang ipagbigay-alam sa pulsiya.

Sa inisyal na imbestigasyon, isang tama ng hinihinalang .9mm na baril ang tumama sa biktima. Nawawala rin umano ang ilang gamit nito, kabilang ang cellphone at dashcam ng sasakyan.

Ayon kay Calaor, love affair at pagnanakaw ang mga tinitingnang inisyal na motibo sa pagpatay sa biktima.

“Posibleng kilala ng biktima ang kanyang kakatagpuin dahil nakapantulog lamang ang suot ng biktima at naka-seat belt nang barilin ito.”

Ipinatataka rin niya kung bakit sa bakante at madilim na lugar ipinarada ni Jarvis ang sasakyan. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.