Abante Tonite Interactive

Ginang hinalay bago hinataw ng martilyo; 1-taong gulang na anak idinamay

Part 2

By
380

Mismong ang mga magulang ni Pearl Helene at mga kapatid na naninirahan din lang sa naturang subdivision, may ilang metro lamang ang layo sa bahay ng pamilya Sta. Ana, ay nakakasaksi sa kanilang masayang pagsasama at wagas na pagmamahalan.

Maging ang kapatid na lalaki ni Pearl Helene na si James ay walang naging problema sa kanyang bayaw dahil noon pa mang magkasintahan ang dalawa ay naging malapit na magkaibigan na sila ni Richard na nagtrabaho rin bilang medical representative.

Sa limang taon na pagiging magkasintahan ni Richard at ni Pearl Helene na nagsimula noong kapwa nag-aaral pa lamang sila sa high school, nakilala na rin ng husto ng pamil­ya Bon ang lalaki kaya’t nang magpasiyang magpaka­sal ang dalawa noong Marso 2, taong 2013, wala isa mang tumutol dahil nakikita nila kung gaano pinag-ukulan ng pagmamahal ng lalaki ang kanyang mapapangasawa.

Batid ng pamilya Bon, lalo na ang kapatid ni Pearl Helene na si James, na nasa mabuting kamay ang kanilang kapatid na babae dahil sa tagal ng pagiging magkasintahan ng dalawa ay naging malapit na niyang kaibigan ang magi­ging bayaw at wala siyang masasabing masama sa ipinakitang mabuting pag-uugali ng lalaki.

Lalo pang ipinamalas ni Richard ang pagmamahal at pag-aaruga sa asawa nang matuklasan niyang nagdadalantao na ang kabiyak kaya’t lalo pa siyang nagsumikap at ginamit ang kaalaman sa pagiging computer expert upang matiyak na may magandang bukas na kakaharapin ang kanilang mga magiging supling

Hindi nakaila sa pamilya ni Pearl Helene ang pagiging responsableng ama ni Richard dahil ilang metro lamang naman ang layo ng bahay nila sa mag-asawa at ito’y pinatunayan ng lalaki nang isilang ang una nilang anak nila na pinangalanang Denzel.

Batid ng mga magulang at kapatid ni Pearl Helene na may magandang haharaping bukas ang anak ng mag-asawa dahil sa ipinamamalas na pagsusumikap ni Richard.

Naging ugali na rin ng ina ni Pearl Helene na si Aling Helen na dalawin ng madalas ang mag-ina, lalo na kapag wala at nasa trabaho ang asawa, upang matiyak na walang magiging problema ang dalawa habang wala si Richard.

Nang sumapit ang isang taong kaarawan ni Denzel, lalo pang pinatingkad ng pagmamahalan ang pagsasama ng mag-asawa dahil labis silang naaaliw ng kanilang supling.

Ang kasiyahang idinudulot ni Denzel ay hindi lamang nagtatapos sa mag-asawang Richard at Pearl Helene dahil maging ang lola niyang si Aling Helen at mga tito at tita ay aliw na aliw din sa bata.

Gayunman, ang labis na kasiyahang ipinag­kakaloob ni Denzel sa pamilya Bon ay nagwakas sa ikatlong taon ng anibersaryo ng kasal ng mag-asawa noong Marso 2, 2016, araw ng Miyerkoles, matapos mangyari ang karumal-dumal na krimen sa loob ng bahay ng pamilya Sta Ana.