Abante Tonite Interactive

Ginang hinalay bago hinataw ng martilyo; 1-taong gulang na anak idinamay

Part 5

By
300

Bukod dito, wala rin si Richard sa kanilang bahay nang magtungo ang mga nagpakilalang­ repairman ng sub-contractor ng Globe Telecom­ na kumpleto ng dokumentong magpapatunay na lehitimo silang kawani ng kompanya.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng pulisya na bago nangyari ang krimen, nakapagpadala pa ng mensahe si Pearl Helene sa kanyang asawa at kapatid hinggil sa kahina-hinalang kilos ng nagpakilalang kukumpuni ng sira nilang internet at sinabi na kapag may nangyaring masama sa kanya at sa kanyang anak ay walang ibang may kagagawan kundi ang dalawa.

Marso 9, araw ng Miyerkoles nang ihatid sa kanilang huling hantungan ang mag-ina sa New City Cemetery.

Bago ang libing, hindi umalis si Richard, na nakasuot ng face mask, sa harap ng kabaong ng mag-ina habang humihikbi kasabay ng pangako na hindi siya titigil sa paghahanap ng hustisya sa pagkamatay ng kanyang mag-ina.

Inihayag niya ang panghihinayang na wala siya sa tabi ng asawa’t anak nang mangyari ang pagpaslang na aniya ay naipagtanggol sana niya kahit siya na lamang ang masawi.

Maging ang mga kaibigan at ka-klase ni Pearl Helene na nagsuot pa ng puting t-shirt na may panawagan ng katarungan habang ang paboritong stuff toy na oso ni Denzel ay hindi inalis sa ibabaw ng kanyang kabaong.

Nang mailibing ang mag-ina, sinimulan kaagad ni Richard na mag-impake ng kanyang mga damit at kagamitan at ipinasiyang manirahan muna sa kanyang mga kaanak sa Maynila bunga na rin ng malamig ng pag-trato sa kanya ng mga kaanak ng kanyang may-bahay.

Marso 11 nang magtungo sa himpilan ng pulisya sa Sta. Rosa, Laguna si Christopher Oliveros upang linisin ang kanyang pangalan makaraang lumitaw ang kanyang larawan sa ID na naiwan sa lugar na pinangyarihan ng krimen subalit nakapangalan sa isang David Dela Cruz.

Sinabi ni Oliveros, isang inhinyero sa isang kompanya ng telekomunikasyon, na kinuha ang kanyang larawan sa kanyang facebook account at ginamit ito upang ilagay sa isang pekeng ID na siyang ginamit ng mga salarin upang makapagpakilala bilang mga repairman.

Nang ilunsad ng kapulisan ang pag-TUGIS sa dalawang lalaking nakita sa CCTV na pawang mga persons of interest, dito na lumutang noong Marso 18, 2016 araw ng Biyernes, dakong ala-1 ng hapon si Ramoncito Galo, 25, tricycle driver at residente ng Sitio Tuklas, Brgy. Cupang, Muntinlupa city.

Unang nagtungo si Galo, kasama ang kanyang asawa at kapatid, sa tanggapan ng kanilang barangay chairman na si Celso Dioko at inamin ang pagkakasangkot niya sa pagpatay sa mag-inang Pearl Helene at Denzel na kanilang hinataw ng martilyo sa ulo.

Sinabi ni Galo na ipinasiya niyang sumuko dahil labis na binabagabag siya ng kanyang konsensiya, bukod sa nangangamba na rin siya sa kanyang buhay, pati na sa kaligtasan ng kanyang pamilya.