Abante Tonite Interactive

Ginang hinalay bago hinataw ng martilyo; 1-taong gulang na anak idinamay

PART1

By
423

Hindi maaalis sa isang mag-asawa ang magkaroon ng paminsan-minsang pagtatalo lalo na sa mga bago pa lamang nagsisimulang bumuo ng malaking pa­milya.

Karaniwan na sa mga mag-asawang nagkakaroon ng paminsan-minsang pagbabangayan ay ang mga bago pa lamang nagsasama lalo na’t hindi pa nila labis na nakikilala ang tunay na pag-uugali ng isa’t isa.

Magkagayunman, nangingibabaw pa rin ang karamihan sa mag-asawa ang kanilang pagmamahalan at pagbibigayan, lalo na kung nagkaroon na ng bunga ang kanilang pag-iibigan, kaya’t mada­ling naaayos ang gusot sa kanilang pagitan lalo na’t mula sa maliliit na bagay lamang nagsisimula ang kanilang pinagtatalunan.

Kadalasan ay nagtatagal lamang ang hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa kung ang pinag-uugatan ng kanilang pagbabangayan ay ang matin­ding panibugho ng ginang kapag may nakarating sa kanyang kaalaman na may kinahuhumalingang ibang babae ang mister.

Sa kabila nito, dumarating din ang panahon na naaayos din ng mag-asawa ang kanilang gusot lalo na kung ang isasaalang-alang ay ang kanilang mga naging supling na silang nagpapatibay sa matagal na pagsasamahan.

Subalit posibleng mag-iba ang sitwasyon sa pagitan ng mag-asawa kung ang lalaki ang nakaramdam ng panibugho lalo na kung may mga ebidensiya siyang makakalap na magpapatunay na gumagawa ng kataksilan ang kanyang may­bahay.

Sa ganitong mga sitwasyon, maaaring muli lamang mabuo ang relasyon ng mag-asawa kung magiging mapagpatawad ang lalaki at mangi­ngibabaw ang kanyang pagmamahal sa asawa at anak sa oras na aminin ng babae ang pakikipag-relasyon sa iba at mangako na hindi na muli itong mangyayari at tanging ang mister na lamang ang pag-uukulan niya ng wagas na pagmamahal.

May mga pangyayari naman na hindi kayang tanggapin ng isang mister ang natutuklasang panloloko sa kanya ng sariling asawa lalo na kung siya mismo ang makakahuli sa ginang sa ginagawa ­nitong pakikipag-relasyon sa ibang lalaki.

Maaaring may kanya-kanyang sariling kaisipan ang bawat lalaking makakatuklas sa panga­ngaliwa ng asawa bagama’t may pangyayari na inilalagay mismo ng isang mister sa sariling kamay ang ­pagpapataw ng kaukulang parusa sa taksil na asawa.

Sa kaso naman ng mag-ina na walang awang pinaslang matapos paghahatawin ng martilyo sa ulo sa Sta. Rosa, lalawigan ng Laguna noong taong 2016, natuon nang husto sa isang anggulo ang motibo ng karumal-dumal na krimen matapos na kusang sumuko sa awtoridad ang isa sa salarin.

Bago nangyari ang pagpatay sa mag-inang Pearl Helene Bon Sta. Ana, 29-anyos, at sa kanyang 1-taong gulang na anak na si Denzel, masayang namumuhay ang pamilya sa piling ng kanilang haligi ng tahanan na si Richard Sta. Ana sa kanilang bahay sa Olynpia Park Subdivision, ­Barangay Labas, Sta. Rosa, Laguna.