Abante Tonite Interactive

Ginang na nakulong sa droga itinumba

By
736

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang ginang na kalalabas lang diumano sa kulungan dahil sa droga habang naglalaba ito katulong ang kanyang anak na lalaki sa harap ng kanilang bahay sa Quezon City nitong ­Huwebes ng hatinggabi.

Kinilala ni Supt. ­Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima na si Rosana Purificacion Crisostomo, 50-anyos, walang trabaho at residente ng No. 11 Freedom Park Extension, Brgy. Batasan Hills sa nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng anak ng biktima na si Renuel, tinutulungan niya sa paglalaba ang kanyang nanay nang huminto sa harapan ng kanilang bahay ang isang kulay puting Mitsubishi L300 na walang plaka at may sakay na tatlong katao.

Binuksan umano ng lalaking nakaupo sa tabi ng drayber ang bintana ng sasakyan at bigla na lamang silang pinaputukan nang sunod-sunod ng baril.

Bagama’t duguan nang nakahandusay ang biktima ay tila hindi pa umano nakuntento ang mga suspek dahil ang lalaking nakaupo naman sa likuran ng sasakyan ay nagbukas din ng bintana at muling niratrat ng bala ng baril ang ginang bago tuluyang tumakas.

Hindi naman pinatamaan ng bala ng baril ang anak ng biktima na si Renuel kaya ­mabilis itong tumakbo at ­pagbalik niya ay humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay.

Agad na dinala sa East Avenue Medical Center ang ginang su­balit binawian din ito ng buhay dakong alas-2:05 ng madaling-araw dahil sa tinamong maraming tama ng bala ng baril na kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nabatid na kalalabas lamang sa kulungan ng ginang matapos na kasama itong binitbit sa presinto sa isinagawang Oplan Galugad ng pulisya dahil nagpositibo umano ito sa paggamit ng iligal na droga.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang naganap na krimen.