Abante Tonite Interactive

Ginang pinatungan ng lasing sa harap ni mister

607

Himas rehas ang 31-anyos na lalaki nang pasukin at tangka pang gahasain ang isang ginang sa harap pa ng kanyang mister sa loob mismo ng kanilang bahay sa Maragondon, Cavite.

Kinilala ang suspek na si Mark Camacho, alyas Undo, residente ng Caloocan City habang pinaghahanap pa ng pulisya ang kasabwat nito na si Wilfredo Abata, 20.

Kapwa electrician ang mga ito na nagtatrabaho sa harap ng bahay ng biktimang si Maylin, 24, at asawa nitong si Jun Jun Martal, 30, miyembro ng Philippine Coast Guard na kapwa nagpapaga­ling sa pagamutan matapos magtamo ng saksak mula sa mga suspek.

Sa ulat ng pulisya, alas-dos kahapon ng madaling-araw nang naganap ang insidente kung saan mahimbing na natutulog ang mag-asawa, nang naalimpu­ngatan si Jun Jun at nakita si Camacho na walang damit pang-itaas habang naka-ibabaw sa kanyang asawa.

Agad umanong pinagsasaksak ng mga suspek si Jun Jun suba­lit nakipambuno ito habang nagsisigaw si Maylin kaya maging siya rin ay pinagsasaksak ng mga suspek.

Ayon sa pulisya, alam umano ng mga suspek na nag-iisa lang sa bahay ang misis kaya pinasok nito ang bahay pero hindi inakala na umuwi umano ang mister.

Nabatid na lango pa sa alak ang dalawa nang pumasok sa bahay ng mag-asawa. (Gene ­Adsuara)